NAHAHARAP sa kasong pandarambong sa Ombudsman ang anak ni dating House Speaker Jose de Venecia kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa Pangasinan.
Si dating Pangasinan 4th District Congressman Christopher ‘Toff’ de Venecia ay sinampahan ng patung-patong na kasong grave misconduct, plunder, at malversation of public funds ng Samahan ng mga Operator at Tsuper ng Traysikel ng Pangasinan sa pangunguna ni Jaime Gutierrez-Aquino.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y sabwatan sa pagitan ng dating kongresista at ilang opisyal ng DPWH kaugnay ng ghost projects sa Sitio Dalumat, Pangasinan na nagkakahalaga ng P286 milyon.
Bukod kay De Venecia, sinampahan din ng kaparehong asunto si Mayor Lesildo “Dong” Calugay at kanyang misis na manager ng construction company, habang nahaharap pa sila sa hiwalay na administrative cases gaya ng: gross neglect of duty, grave misconduct, at dishonesty, inefficiency and incompetence in the performance of official duties.
Kasama ring sinampahan ng kaso ang ilang DPWH engineers and officials kabilang sina: Engr. Editha Manuel, Engr. Victoria Visperas, Analyn Gabis, Nelson Sotto, Gerry Jucar, Dexter Lomboy, Jose Jesus Ramos, at Alvin Diego — pawang inakusahan ng dishonesty at misconduct.
Ang kasong plunder ay may parusang habambuhay na pagkabilanggo sakaling mapatunayan ang kanilang pagkakasala.
(JULIET PACOT)
10
