SIGAW NG MANGGAGAWA: GOBYERNONG KORAP BUWAGIN, REPORMA ISINULONG

IGINIIT ng mga grupo tulad ng Manlaban Coalition at Manggagawa Laban sa Bulok na Sistema, Pribatisasyon at Korapsyon ang agarang pagbuwag sa gobyernong umano’y bulok at korap. Sa kanilang pananaw, ang talamak na katiwalian at bulok na pampulitikang sistema ang nagpapahina sa demokratikong institusyon at nag-aalis sa Filipino ng tapat na serbisyo publiko.

Sa press conference noong Huwebes, sinabi ni Atty. Luke Espiritu, presidente ng Bukluran ng Manggagawa, na ang korupsyon sa bansa ay hindi lamang gawa ng mga indibidwal kundi bunga ng kulturang pampulitika na nagbibigay proteksyon sa mga makapangyarihan. “Ang ugat ng paghihirap ng sambayanang Pilipino ay ang bulok na sistemang matagal nang kumakalinga sa korapsyon, dinastiya, at pang-aabuso,” ani Espiritu.

Nanawagan ang grupo ng malalimang reporma sa gobyerno, tinawag nilang “Pribatisasyon ng Bulok na Sistemang Pampulitika”, na umano’y nagdudulot ng pagbagsak ng edukasyon, kontraktwalisasyon ng manggagawa, lumalawak na maralitang lungsod, kawalan ng proteksyon sa OFW, at kulang na serbisyong panlahat.

“Bilang manggagawang lumilikha ng yaman ng bansa, tumatanggi kami na magpapatuloy ang ganitong kaayusan. Panahon na para managot ang Kongreso at buksan ang pamahalaan sa tunay na sektor ng mamamayan,” dagdag ni Espiritu.

Dagdag pa niya, dapat nang magbitiw si Pangulong Bongbong Marcos at iba pang matataas na opisyal kung may delicadeza, upang makapagbigay daan sa reporma sa gobyerno kasunod ng flood control project anomaly.

(PAOLO SANTOS)

10

Related posts

Leave a Comment