DATING SEKYU NG POGO HULI SA PAGBENTA NG TEXT BLASTER

KALABOSO ang dating security guard ng isang POGO hub makaraang madakip sa ikinasang entrapment operation ng PNP-Anti Cybercrime Group (ACG) habang nagbebenta ng IMSI o International Mobile Subscriber Identity catcher o Text Blaster sa Pasay City.

Nag-ugat ang pagkaaresto sa suspek makaraang makita sa social media ng mga tauhan ng cyber patrol na ibinibenta ang nasabing device na nagkahalaga ng P600,000.

Ayon kay PNP-ACG Director Police Brig. Gen. Bernard Yang, ikinasa ang entrapment operation kung saan kinontak ng isang poseur buyer ang suspek para sa bibilhing nasabing text blaster.

Napagkasundo ang dalawa sa halagang P450,000 at nagkita nitong Huwebes sa Roxas Blvd. na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek.

Sinabi ng opisyal na ang IMSI Catcher ay ginagamit sa mga text scam na kayang magpadala ng text blast, pasok sa 500-meter radius, bukod dito ay posible rin itong magamit ngayong panahon ng halalan.

Babala ng ACG, posibleng marami pang mga katulad na device galing sa nagsarang POGO hubs ang ibinibenta kaya payo nila sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kanila sakaling may mag-alok sa kanila ng mga kahalintulad na device.

Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa data privacy act, NTC Law at Cybercrime Act. (TOTO NABAJA)

24

Related posts

Leave a Comment