DALAWANG babaeng hinihinalang bigtime drug personalities ang nadakip sa ikinasang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa EDSA Balintawak southbound, Barangay Apolonio Samson, Quezon City.
Kinilala ang mga nasakote sa anti-drug operation na si alyas “Lei”, 34, walang hanapbuhay at residente ng Barangay Bagong Barrio, Caloocan City at isang dalagita na residente ng Barangay Balonbato, Quezon City.
Matapos na magpositibo ang nakalap na intelligence information at isinagawang surveillance operation ay inilatag ang joint anti-narcotics operation ng mga ahente ng PDEA Regional Office IV-A Special Enforcement Team 2, PDEA RO-NCR RSET Team 1 at Quezon City Police District PS1-SDEU, sa harap ng isang botika sa EDSA Balintawak.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang limang piraso ng knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng tinatayang 500 gramo ng pinaghihinalaang shabu na P3,400,000 ang halaga.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL RUIZ)
