2 NASAWING PILOTO NG PAF GAGAWARAN NG PARANGAL

GAGAWARAN ng arrival honor at pagkilala ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang dalawang piloto ng Philippine Air Force na nasawi sa isinagawang midnight air support mission para sa ground troops ng Philippine Army na nagsasagawa tactical operation laban sa nalalabing communist New People’s Army sa area ng Mindanao.

Inaasahang pangungunahan mismo ni AFP Commander in Chief President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pagsalubong at paggawad ng parangal kina Major Salang-oy at 1Lt. April John Dadulla na nasawi habang tumutupad ng kanilang tungkulin.

Inaasahan ang pagdating ngayong Sabado ng dalawang piloto ng PAF matapos silang maibaba mula sa crash site ng FA-50 fighter jet sa Bukidnon noong Martes ng madaling araw.

Sa media advisory ng PAF, ididiretso sa Villamor Air Base sa Pasay City ang labi ng dalawang piloto kung saan nakatakda silang gawaran ng parangal.

Nangako ang liderato ng PAF ng patuloy na suporta sa naulilang pamilya ng nasawing mga piloto.

Una nang sinabi ni PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, inaasahang matutukoy na sa lalong madaling panahon ang sanhi ng pagbagsak ng FA-50 fighter jet dahil narekober na ang flight data recorder nito.

Nabatid pa na pinasimulan na rin ang imbestigasyon sa bumagsak na fighter jet ng PAF ngayong nasa crash site na ang mga imbestigador ng hukbong panghimpapawid upang suriin ang pinangyarihan ng trahedya habang masusi namang binabantayan ng mga tauhan ng Philippine Army ang paligid ng Mt. Kalatungan sa Brgy. Mirayon, Talakag Bukidnon. (JESSE KABEL RUIZ)

16

Related posts

Leave a Comment