DOLE PINASASAKLOLO SA ABS-CBN EMPLOYEES

IPAPANUKALA ng Malakanyang sa Department of Labor and Employment (DOLE) na maglagay ng one-stop-shop sa ABS-CBN compound para sa mga empleyado na mawawalan ng trabaho.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na maaaring humingi ng tulong ang mga empleyado ng ABS-CBN na mawawalan ng hanapbuhay sa pamahalaan.

Nag-anunsyo na kasi ang ABS-CBN na ititigil na nito ang operasyon ng ilan sa kanilang mga negosyo kaya’t magbabawas sila ng kanilang mga manggagawa sa katapusan ng Agosto matapos na mabigo ang media firm na makakuha ng bagong prangkisa mula sa Kongreso.

“Siguro ang gagawin ko, kokontakin ko si DOLE Secretary Silvestre Bello III and I will encourage him to open a one-stop shop doon siguro sa ABS-CBN to assist those who will be retrenched,” ayon kay Sec. Roque.

“Dahil iba naman ang circumstance sa ABS-CBN talaga. Wala silang prangkisa at mawawalan sila ng trabaho. Rather than sila ang pupunta sa mga government agencies, I will just suggest magpadala na lang ng one-stop shop,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

WALANG PAGSISISI

Samantala, pinuna ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kawalan umano ng pagsisisi sa bahagi ng ABS-CBN at ni Eugenio “Gabby” Lopez III sa mga pang-aabuso sa sistema na naging dahilan kung bakit nagpasya ang Kongreso na ibasura ang aplikasyon nila para sa panibagong prangkisa.

Wala umano sa mga may-ari at opisyales ng ABS-CBN ang umamin na nagkamali ang mga ito at lumabag sa batas.

Ayon kay Cayetano, sa kabila ng natuklasang paglabag ng ABS-CBN sa labor laws, hindi pagbabayad ng hindi tamang buwis, tax evasion, paggamit ng dummy, pagiging American citizen ni Lopez at iba pa ay hindi man lang umano nakitaan ang mga ito ng pagsisisi.

“Mr Gabby Lopez could have done two things: he could have not accepted being an officer of ABS- CBN or he could’ve renounced his [American] citizenship before becoming chairman. But we heard their testimony eh, wala man lang remorse eh,” ani Cayetano.

Naunawaan umano nito kung nagkaroon ng pang-aabuso sa mga nakaraang henerasyon ng mga oligarch subalit kailangang baguhin na ito dahil iba na ang panahon ngayon.

Sinabi ni Cayetano na bilang bahagi ng Kongreso, trabaho ng mga ito na itama ang sistema na matagal nang inaabuso dahil kung hindi ay mananatili ang ganitong kalakaran at kawawa ang mga susunod na henerasyon.

“This our chance [na] baguhin ang sistema. Baguhin ang oligarch system. Anyway ilang henerasyon na rin naman…yung mga pamilyang ito [oligarch family] di ba. Hindi naman natin inaagaw sa kanila ang negosyo,” ani Cayetano.

Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability na isa sa nag- imbestiga sa ABS-CBN, tuluyang kumawala ang ngitngit ni Cayetano dahil sa patuloy na pag-atake umano sa kanya at iba pang miyembro ng Kongreso dahil sa pasya ng House committee on legislative franchises.

Nilinaw rin ni Cayetano na hindi mismo sa ABS-CBN galit si Pangulong Rodrigo Duterte kundi sa sistema tulad ng pakikialam ng mga ito sa pulitika at pagiging political bias. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

156

Related posts

Leave a Comment