IBINAHAGI ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco na nakapag-ambag ang turismo sa Pilipinas ng P3.36 trilyon sa ekonomiya, na nagkakahalaga ng 8.6% ng GDP, isang makabuluhang paglukso mula sa 5.1% noong 2020. (ITOH SON)
IBINIDA ng Department of Tourism (DOT) ang mga kahanga-hangang pagganap nito sa turismo sa Pilipinas sa buong taong 2024.
Sa ginanap na Year-End press briefing, inilahad ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na umangat ang ekonomiya ngayong taon dahil sa turismo.
Ayon kay Frasco, nakapag-ambag ito ng P3.36 trilyon sa ekonomiya, na nagkakahalaga ng 8.6% ng GDP, isang makabuluhang paglukso mula sa 5.1% noong 2020.
Patuloy ang tourism employment sa pag-unlad, na bumubuo ng 6.21 milyong trabaho, o 12.9% ng kabuuang pambansang trabaho, habang ang Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) ay tumaas sa P2.08 trilyon, na sumasalamin sa isang malakas na 47.9% na growth rate.
Nagpakita rin ang industriya ng net trade surplus sa travel services na USD 2.45 bilyon, ang pinakamataas sa loob ng 15 taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Hinimok ng kalihim ang isang mas malawak na pananaw sa pagsusuri sa tagumpay ng sektor ng turismo na binibigyang-diin ang kahalagahan ng visitor receipts, tourism spending, haba ng pananatili, at trabaho bilang mga pangunahing indicators ng pagganap.
Binanggit ni Sec. Frasco na bagama’t nakaugalian nang tumuon lamang sa arrivals at ikumpara sa mga kakumpitensya, ang mga numerong ito ay nagbibigay ng mas malinaw na larawan ng tunay na epekto ng turismo sa ekonomiya at mga tao. (JOCELYN DOMENDEN)
81