NILARGA na kahapon ng transport group na MANIBELA ang kanilang tatlong araw na transport strike at kilos-protesta na tatagal hanggang Oktubre 15, 2025.
Alas-sais pa lang ng umaga, nagsimula nang magtipon at mag-rally ang mga kasapi ng grupo bilang protesta laban sa umano’y panggigipit ng DOTr-SAICT (Special Action and Intelligence Committee for Transportation) sa mga tsuper.
Ayon kay MANIBELA Chairman Mar Valbuena, kahit maayos at kumpletong dokumento ang mga jeepney ng kanilang mga miyembro, patuloy pa rin silang sinisita at pinapatawan ng mabibigat na multa ng ahensya.
“Mga korap, tigilan ninyo ang panghihingi ng payola! Dapat ‘yang mga driver ay mabigyan ng prangkisa, hindi gipitin. Sa bulsa ninyo napupunta ang pera, imbes na sa serbisyo sa taumbayan,” giit ni Valbuena.
Nanawagan din siya sa DOTr at LTO na buwagin ang DOTr-SAICT, dahil umano’y pahirap ito sa mga tsuper.
“Walang mandato ang SAICT. Dapat tanggalan ng deputization. Nananawagan tayo kay Acting Secretary Banoy Lopez at sa bagong LTO chief — tanggalin niyo na ‘yan,” dagdag pa ni Valbuena.
Iginiit ng grupo na hindi sila tutol sa pagsusuri ng mga sasakyang dapat roadworthy, pero ginagamit umano ng SAICT ang regulasyon bilang sandata laban sa mga maliliit na driver.
Ayon sa MANIBELA, si Asec. Tracker Lim, na namumuno sa DOTr-SAICT, ay asawa ni DUMPER Party-list Rep. Claudine Bautista-Lim, na dapat sana ay kumakatawan sa mga tsuper at operator, ngunit pinapayagan umano ang pang-aabuso sa mga ito.
Magsisimula ang strike tuwing hatinggabi kapag nakagarahe ang mga jeepney at tatagal ito ng buong araw hanggang matapos ang itinakdang protesta.
(JESSE KABEL)
73
