UNPROGRAMMED FUNDS KUKUWESTIYUNIN SA SC

KUKWESTYUNIN sa Korte Suprema ng isang miyembro ng minorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Unprogrammed Appropriations (UA) na isinama pa rin sa 2026 national budget.

Ayon kay Caloocan City Rep. Edgar Erice, paglabag sa Saligang Batas ang pagsuko ng Kamara sa kanilang ‘power of the purse” sa Executive Department sa pananatili ng UA na kilala ring Unprogrammed Funds (UF) sa pambansang pondo sa susunod na taon.

Sa botong 287 pabor, 12 ang kumontra at 2 ang hindi bumoto, pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 4058 o 2026 House General Appropriations Bill (HGAB) na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon kung saan P243.2 bilyon ang inilaan para sa UA.

“Tama na ang palusot. Unprogrammed Funds violate the Constitution and deceive the public with false promises of funding,” ani Erice kaya iaakyat umano nito sa Korte Suprema ang usapin.

Malinaw aniya sa Article VI, Section 25(6) ng 1987 Constitution na ipinagbabawal na ilipat o ibigay sa Executive Department na magpasya kung saan gagamitin ang inilaang pondo.

Nalabag umano ang batas na ito dahil sa UA kung saan ang Pangulo at maging ang Department of Budget and Management (DBM) ang nagpapasya kung saan gagamitin ang P243.2 billion na pondo.

“Unprogrammed Funds have no definitive source of financing. Without a clear revenue basis, Congress cannot constitutionally authorize such appropriations,” ayon kay Erice na kabilang sa 12 bumoto kontra sa pambansang pondo.

Bukod dito, nagkakaroon umano ng korupsyon sa UA dahil dito galing ang pondo sa flood control projects na iniimbestigahan ngayon dahil sa malalang katiwalian.

Marami rin umanong lehitimong proyekto ang naisakripisyo mula 2023 hanggang ngayong 2025 dahil ang pondo na inaprubahan ng Kongreso sa mahahalagang imprastraktura ay inilipat sa pet projects tulad ng flood control na nauwi sa ghost at substandard dahil pinagkakitaan ng mga tiwali.

“UF has been used not to serve the people, but to manipulate public funds. It’s time to end this deception,” pahayag ng mambabatas kaya dudulog umano ito sa Korte Suprema.

“Kung talagang para sa bayan ang budget, alisin na ang Unprogrammed Funds. Kongreso ang may kapangyarihan sa paggastos — huwag nating ipasa sa Executive ang kapangyarihang iyan,” dagdag pa ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

79

Related posts

Leave a Comment