IBINIDA ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas mababa ang local deaths ng Pilipinas dahil sa respiratory disease kumpara sa ibang bansa.
Ito’y sa kabila ng naitalang bagong record ng COVID-19 cases ng Pilipinas.
“Hirap ang America ngayon. Ang Europe is suffering from a—maraming mas namatay; Turkey, marami ang patay; Saudi Arabia, mas marami ang patay,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang taped national address.
“Ito, atin, hawa lang. Ang patay natin, hindi masyado ganoon karami,” aniya pa rin.
Tinatayang may 33,333 katao na sa Pilipinas ang sumuko sa COVID-19.
Kinumpirma naman ng Pilipinas ang “highest ever single-day tally” ng bagong kaso na pumalo sa 22,366, na tumaas sa kabuuang confirmed infections na 1.97 million.
Batid naman ni Pangulong Duterte ang pangangailangan “to recalibrate our response” kung ang pagtaas ng COVID-19 cases ay bunsod ng “highly infectious variant” ng sakit.
“We are also evaluating whether granular or localized lockdowns would work best in our current situation. Kailangan pag-aralan ito ng task force,” aniya.
Samantala, hinikayat naman ni Pangulong Duterte ang publiko na manatili sa health standards at magpabakuna laban sa novel coronavirus sa lalong madaling panahon.
Nahaharap ngayon ang Duterte administration sa Senate inquiry kung paano ginasta ang pandemic funds. (CHRISTIAN DALE)
