JANE NARANASANG MATULOG SA MRT

(GERRY OCAMPO)

SA panayam ni Ogie Diaz kay Jane de Leon ay nagbalik-tanaw ang bagong Darna kung paano niya naitawid ang gastusin noon sa araw-araw bilang miyembro ng ‘Girlfriend’ na maliit ang kita at hindi sapat kapag uuwi pa siya sa Laguna at babalik kinabukasan ng maaga para sa rehearsal bago sumalang sa It’s Showtime.

“Hindi alam ng ABS-CBN ‘to, doon po ako natutulog sa dressing room, pinagdikit-dikit na upuan. Doon po ako sa may make-up (area),” balik- tanaw ni Jane.

Patuloy pa ni Jane, “Minsan po, tumatambay kami sa convenience store, nagpapatay ng oras, idlip-idlip kami kung saan-saan kahit po sa itaas ng MRT, sa gilid, umiidlip po kami ni Mama roon.

“Iginapang po talaga namin, Nu’ng meron na po akong Halik (teleserye), nakakaipon na po konti, si Kuya Tyrone (Escalante) manager niya, nakapagbibigay na rin siya sa akin ng mga raket, mga fiesta. Malaking bagay sa mga artista ‘yung ganu’n (sabay pakita ng poster ng show nila ni Joshua Garcia sa Bahrain).

“Nakapag-rent na rin po ako for the first time ng apartment. And kung sino po ‘yung mga taong tumutulong sa amin, ibinabalik po namin kasi alam po namin ‘yung pakiramdam,” say pa ng aktres.

Noon kasi ay hindi nabibigyan ng project si Jane sa ABS-CBN.

Bihira po sa artista magkaroon agad ng opportunity. Ako po kasi, kayod po talaga ako, eh. Nag-audition ako sa iba’t ibang lugar, iba’t ibang agencies,” say pa niya.

Gusto niya ang paggawa ng commercial at modelling dahil maluwag ang oras at magagawa niyang ipagpatuloy ang pag-aaral.

Maganda ang buhay nina Jane at kuya niya noong bata pa sila dahil may negosyo ang ama at naibibigay ang lahat ng gusto nilang magkapatid. Sa private school sila nag-aral, may sasakyan at hindi sila sumasala sa oras ng pagkain.

Pero sa isang iglap ay naglaho lahat ang pinaghirapan ng kanyang ama dahil niloko ito ng matalik na kaibigan na naging dahilan para ma-depress ang ama at hindi na ito nagtrabaho.

“Doon na po nagkaroon ng trust issues (si Papa) pati sa mga kaibigan namin. Kailangang makuha ang loob ni Papa, sobrang strict niya .

“Papa already passed away 6 years ago. Sayang nga, hindi po niya naabutan kung nasaan ako ngayon.

“Favorite po ni Papa ang donut. So, kung nabubuhay po siya, kahit isang buong branch ng donut (franchise), ibibigay ko sa kanya. Gusto kong ipa-experience sa kanya ang buhay na meron kami ni Mama ngayon.

“Unlike before, Mama Ogs. ‘yung hirap talaga namin na wala kaming makain, asin lang po talaga ang ulam….” nakangiti pero pigil ang luhang pagtatapat ni Jane.

Tinanong siya kung bakit asin?

“Kasi po, walang-wala talaga kaming pera kasi ‘di ba po, nawalan ng trabaho si Papa. Si Mama lang ‘yung nagtatrabaho sa amin, naging househusband po si Papa.

Yung suweldo ni Mama. hindi naman po enough sa amin.

Minsan, ang kinakain (ulam) namin, asin, at kung alam n’yo po ba ‘yung toyo na may mantika,” paliwanag ni Jane.

Inamin din ni Jane ayaw ng tatay niyang mag-artista siya dahil gastos lang daw.

“Number one basher ko ang tatay ko. Naunahan kayo (mga basher) ng tatay ko. Ayaw niyang nag-aartista ako, mga VTR, kasi palabas daw lagi ang pera kasi walang bayad daw ang audition, puro na lang palabas ang pera, pamasahe na naman,” balik- tanaw ni Jane.

May araw kinailangan nilang magtagong mag-ina sa tatay niya para hindi sila makitang umalis ng bahay, pero mabubuko rin sila pagdating at mumurahin silang mag-ina.

Hindi na napigilan ni Jane ang umiyak nang maalala ang kuwento ng buhay ng ama noong kabataan nito na minaltrato ng stepmom at hindi pinakakain. Kung buhay pa ang ama ay gusto niyang iparanas dito ang lahat ng hindi nito natikman noong kabataan.

“Gusto kong bumawi sa kanya, sobra! Itina-try ko namang mag–move on. Hindi po ako umiiyak Mama Ogs. kasi kailangan kong maging strong sa family ko. Kasi po kung lahat kami, mag-iiyakan, lahat kami, mahina, saan kami pupulutin?

“Sakitin pa si Mama, kaya sabi ko kay kuya ibibigay namin kay Mama ‘yung mga hindi namin naibigay kay Papa.

“Nu’ng mawala si Papa, ako na po ang naging head of the family.

Minsan, nakalilimutan ko na po ang sarili ko, napaka-selfless ko,” emosyunal na pahayag ng aktres.

Tulad ng kanyang ama may trust issues din si Jane dahil sa mga pinagdaanan niya sa buhay, lalo na sa pagpasok niya sa showbiz.

May mga naka-encounter daw siyang tao na ayaw sa kanya kaya nag-iingat na lang siya.

Alam din ni Jane na marami siyang bashers. Mensahe niya sa mga ito ay panoorin muna ang Darna bago siya husgahan.

117

Related posts

Leave a Comment