EPIRA LAW AAMYENDAHAN NA

MATAPOS ang mahigit dalawang dekadang paghihirap ng mga consumers dahil sa mataas na presyo ng kuryente, aamyendahan na ang Republic Act No. 9136, o mas kilala Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Ito ang nabatid sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan target magkaroon ng bagong batas sa industriya ng kuryente bago matapos ang kasalukuyang taon para maibaba umano ang presyo nito.

“Medyo kumplikado ‘yan kasi malaki itong batas at we will handle it by sections pero kayang kaya natin tapusin ‘yan before siguro the Christmas break,” deklara ni House Speaker Martin Romualdez.

Unang ipinatupad ang EPIRA noong 2001 kung saan ipinangako na bababa ang presyo ng kuryente sa batas na ito subalit hindi nangyari bagkus ay tumaas ang halaga habang tumatagal dahil sa mga pass on provisions.

Sa ilalim ng nasabing probisyon, lahat ng buwis at gastos ng mga power industry players ay sinisingil sa mga consumers kaya isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na presyo ng kuryente sa Asya.

“The expansion of our economy has long been hobbled by high electricity rates. This problem has consistently been one of the top concerns of the business community since the enactment of EPIRA,” ayon sa grupo ng Young Guns congressmen.

Dahil dito, tututukan na umano ang pag-amyenda sa nasabing batas upang magkaroon na ng katuparan ang matagal na kahilingan ng mga consumers at maging ang mga negosyante na pababain ang presyo ng kuryente sa bansa.

Kabilang umano ang nasabing panukala sa 28 priority bills ng napagkasunduan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na ipasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

“Let’s examine how Meralco can support the Marcos administration in reducing its power distribution rates. It’s time we alleviate or at least lessen the suffering of our people. Congress should address the issues created by the EPIRA law,” giit pa ng nasabing grupo. BERNARD TAGUINOD

331

Related posts

Leave a Comment