ANTIPOLO CITY – Patay ang isang dating barangay chairman makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa lungsod na ito, dakong alas-4:00 ng hapon noong Sabado.
Kinilala ang biktimang si Oscar Tamayao, 62-anyos, kasalukuyang empleyado sa Mayor’s Office ng Antipolo at nakatira sa Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City.
Ayon sa report ng Antipolo City Police, base sa pahayag ng isang testigo na kinilalang si Bryan Palaro y Malate, habang binabagtas ng biktima ang Olalia Road sa kanto ng Sumulong Highway, lulan ng puting Toyota Hi-Ace (NCO-6200), isang motorsiklo ang sumulpot ang pinagbabaril ang dating barangay chairman.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Masinag habang isinugod naman ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit makalipas ang isang oras ay nalagutan ng hininga.
Kaagad namang naglatag ng checkpoint sa erya ang mga pulis para sa ikahuhuli ng mga suspek. (KNOTS ALFORTE)
429
