MALA-KRISIS na ang turing ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan sa mabilis na paglaganap ng mga fake news, misinformation at disinformation na isa na umanong banta sa demokratikong pundasyon ng bansa kaya dapat tugunan na sa lalong madaling panahon.
Ito ang obserbasyon ni Surigao del Sur representative Johnny Pimentel na vice chair ng House Committee on Information and Communications Technology sa pagdinig ng House Tri-Committee nitong nakaraang Martes, Abril 8, 2025.
“We will continue our exploration of the multi-dimensional aspects of this crisis, examining the roles of social media platforms, the impact of algorithmic amplification, and the psychological mechanisms that make individuals susceptible to false information,” ayon kay Pimentel.
Sinabi ng mambabatas na hindi titigil ang Kamara sa pag-iimbestiga hanga’t hindi makabuo ng panukalang batas lalo na’t nahaharap aniya ang Pilipinas sa mabilis na pagbabago sa teknolohiya na nagpabago rin sa paraan ng pagkuha at pagpapakalat ng impormasyon.
Ipinunto nito na bagama’t nakatulong ang mga digital platform sa pagpapadali ng access sa impormasyon, nagbigay daan din ito sa paglaganap ng mga maling impormasyon at mapaminsalang naratibo.
“The rapid evolution of technology and the rise of digital communication platforms have transformed the way we consume information. While these advancements have brought numerous benefits, they have also facilitated the spread of false narratives, manipulated truths, and an increasingly polarized public discourse,” tinukoy ng kongresista.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Antipolo City representative at retiradong heneral Romeo Acop na dapat ding magkaroon ng pananagutan ang mga social media platform tulad ng Facebook sa paglaganap ng mga pekeng balita at mapanirang content ng mga vlogger.
Ganito din ang posisyon ng isa sa mga resource person ng komite na si dating Vice President at broadcaster na si Noli de Castro, kaya dapat din aniyang panagutin ang META dahil hinahayaan ng mga ito na magamit ang kanilang platform sa pagkakalat ng fake news.
“Naniniwala ho ako na ang Meta ay malaki ang responsibilidad dahil sila ang may means para maipakalat iyon eh, wala namang iba. Kung Facebook halimbawa, Facebook lang ang magpapakalat niyan. Wala nang iba. Facebook to Facebook, iyong mga may Facebook,” ani De Castro.
Isa din sa mga dahilan kung bakit aniya madaling kumalat ang fake news ay dahil kumikita, hindi lamang ang mga vloggers at maging ang META.
“Negosyo ho ito eh. Pati ang META, alam naman nila iyon, negosyo ho nila iyon eh. Huwag na tayo maging ipokrito ho dito,” ayon pa kay De Castro.
(PRIMITIVO MAKILING)
