Hamon kay Duque SINDIKATO SA DOH GIBAIN

HINAMON ni Senador Panfilo Lacson si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na putulin na ang pamamayagpag ng mala-sindikatong gawain sa kagawaran gaya ng nakaugalian nang labis-labis na pag-iimbak ng gamot na kadalasang nasisira lamang.

Ang hamon ni Lacson kay Duque ay kasunod ng pagsiwalat ng mambabatas sa tinatayang P2.736 bilyong halaga ng gamot na nasira o kaya nalalapit na sa pagkasira sa poder ng DOH, kung saan nasa P2.2 bilyon ang naitala sa 2019 lamang.

“We wasted P2.736 billion in taxpayers’ money. What’s the reason for this? Why are we overstocking? Why are we buying medicines near their expiration dates? What does this tell us? I’ve been an investigator all my life. To me, this indicates that there is probably a ‘mafia’ that is well-entrenched – can’t be uprooted,” banggit ni Lacson sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Unless the leadership of the DOH will put his foot down and do something about this, we won’t see the end of this overstocking of medicines,” dagdag ni Lacson.

Batay sa mga datos na nakuha ni Lacson sa Commission on Audit (COA), nasa P95,675,058.98 ang nasayang sa taong 2020; P2.2 bilyon noong 2019; P378,169,000 sa 2018; P7,031,542 noong 2017; P25,866,000 noong 2016; P18,394,000 noong 2015; P6,851,000 noong 2014 at P4,442,000 noong 2013.

Ipinaalala ng senador sa kalihim ang pangako nitong sosolusyunan ang nabanggit na problema nang ito ay sumalang sa Commission on Appointments (CA) noong 2018 pero hanggang ngayon ay nangyayari pa rin.

Bagama’t nangako si Duque na iimbestigahan niya ito, pinayuhan siya ni Lacson na mas mainam na malalimang usisain ang departamentong responsable sa pagbili ng mga gamot at mga katulad na transaksiyon.

Ipinaalala rin ni Lacson kay Duque ang paggastos ng pondo na hindi sumusunod sa mga patakaran at alituntuning nakasaad sa batas ng ilang operating units ng ahensya.

Ayon sa mambabatas, mula 2016 hanggang 2020 ay umabot sa P956,769,748.22 ang halaga ng pondong nagamit nang hindi nakabatay sa mga alituntunin lalo na sa pangangasiwa ng HFEP infrastructure projects. (ESTONG REYES)

163

Related posts

Leave a Comment