Hindi lang ugat ng krimen at droga PROSTITUTES BITBIT DIN NG POGO OPERATORS

(BERNARD TAGUINOD)

PANAHON nang palayasin ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa dahil nagiging ‘ugat na ito ng kademonyohan” na sumisira sa moral ng mga Pilipino.
Giit ito ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers matapos matuklasan na bukod sa mga naunang naiulat na krimeng kaakibat ng pagkakaroon ng POGO sa bansa ang pagkalat ng prostitutes.

“Di naman natin nilalahat, pero ang POGO ang tila naging ‘root of evil’ na naglikha at nagdala ng bisyo at krimen sa ating bansa tulad ng kidnap for ransom, prostitution, murder, extortion, online scamming such as phishing and e-mail spoofing, illegal drugs, money laundering, human trafficking, graft and corruption, at iba pa,” ani Barbers.

Nauna nang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na laganap ang STD o sexually transmitted diseases sa hanay ng POGO workers na pawang Chinese nationals.

“Nakita at napanood natin sa TV at nabasa sa mga pahayagan ang mga police raids at rescue operations sa mga “imported” prostitutes coming from China, Myanmar, Malaysia and Vietnam that are catering only to POGO workers. Ang cover ng mga yan ay POGO workers din sila. Yun pala hindi online….sex workers pala sila,” ayon pa sa mambabatas.

Mula noong 2016, tinatayang 300,000 Chinese nationals aniya ang dumating sa bansa bilang mga turista subalit kalaunan ay nagtrabaho ang mga ito sa POGO.

Walang impormasyon ang mambabatas kung kasama sa bilang na ito ang mga prostitute na ang mga parokyano ay POGO workers na posibleng dahilan ng paglaganap ng STD sa kanilang hanay.
“Payag ba tayo na mag-import ng tao at kumpanya na gumagawa ng mga illegal na bagay, at gawing legal ang illegal sa ating bansa kapalit ng pera?” tanong ng mambabatas kasabay ng apela sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tuluyan nang isara ang POGO sa bansa sa lalong madaling panahon.

160

Related posts

Leave a Comment