Hindi tatantanan ni Gadon sa isyu ng SALN LEONEN SWAK SA QUO WARRANTO

Ni: NELSON S. BADILLA

HINDI titigil si Atty. Lorenzo “Larry” Gadon na singilin si Supreme Court (SC) Associate Justice (AJ) Marvic Leonen hingggil sa labing-limang taong hindi nito pagsusumitte ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) habang opisyal at propesor sa University of the Philippines (U.P.) mula 1989 hanggang 2010.

Nanindigan si Gadon na ipagpapatuloy ang paniningil kay Leonen kahit ibinasura ng SC ang petisyon niya at ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida na ilabas ang kopya ng SALN ng nabanggit na mahistrado isang araw na ang nakalilipas.

Nitong Setyembre 15, inihayag ng tagapagsalita ng mataas na korte na si Brian Keith Hosaka na ibinasura ng SC ang hinihinging kopya ng SALN ni Leonen.

“[T]he Supreme Court in today’s En Banc session unanimously resolved to deny the requests of the Office of the Solicitor General and Atty Lorenzo G. Gadon, for copies of the SALN of, and other information pertaining to SC Associate Justice Marvic Mario Victor F. Leonen, for purposes of preparing a Quo Warranto petition. Justice Leonen took no part in the resolution,” pahayag ni Hosaka.

Ang quo warranto na isinusulong ni Gadon ay karugtong ng kanyang ipinaglaban sa pagpapatalsik kay Ma. Lourdes Sereno mula sa pagiging punong mahistrado ng SC noong 2018.

Mayo 2018 natanggal si Sereno sa SC makaraang manalo ang petisyong quo warranto ni Calida laban sa kanya.

Nakumbinsi ni Calida ang walo sa labing-apat na mga mahistrado na nilabag ni Sereno ang Artikulo VIII at Seksyon 7 ng Konstitusyong 1987.

Batay sa desisyon, ang SALN ay isa sa mga rekesito upang makita at mapatunayang mayroong “integridad” ang mahistrado sa pinakamataas na korte ng bansa.

Ang malinaw na ebidensyang idiniin laban kay Sereno ay ang anim na taon, o anim na ulit, itong hindi nagpasa ng SALN habang propesor sa U.P. College of Law.

Ang U.P. ay pag-aari at binibigyan ng pondo kada taon ng pambansang pamahalaan, dahilan upang ang lahat ng opisyal, propesor, instraktor at kawani ng nasabing institusyon ay magsumite ng SALN kada taon.

Si Leonen ay labinglimang taon – ibig sabihin labinglimang ulit – na hindi naghain ng kanyang SALN habang konektado ito sa U.P. mula 1989 hanggang 2010.

Maliban sa propesor si Leonen sa U.P. College of Law, naging vice – president for legal affairs ng unibersidad noong 2005.

Siya ay naging dekano ng U.P. – College of Law noong 2008.

Umalis siya sa pangunahing unibersidad ng estado noong Hulyo 2010 dahil itinalaga siya ng noo’y Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III bilang “chief negotiator” ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Itinalaga ni Aquino na mahistrado ng pinakamataas na korte ng bansa si Leonen noong Nobyembre 21, 2012.

Kung si Sereno ay tinanggal ng kapwa niya mga mahistrado kahit siya pa ang kanilang pinuno dahil sa kawalan ng integridad makaraang labagin nito ang Artikulo VIII at Seksiyon ng Konstitusyon, kumbinsido ang kampo ni Gadon na nararapat lamang na ituloy ang paniningil kay AJ Leonen sa hindi nito paghahain ng labinglimang beses ng SALN.

Sagrado ang kahalagahan ng SALN, kaya maging si retiradong Ombudsman Conchita Carpio – Morales ay binatikos si Ombudsman Samuel Martires nang maglabas ito ng Memorandum Circular 1, Series of 2020 na naglilimita sa ilang piling opisyal na maaaring makahingi ng kopya ng SALN ng sinomang opisyal ng pamahalaan.

Pinagbawalan na rin ng MC ni Martires ang publiko na makahingi ng kopya ng SALN.

Idiniin ni Morales na ang pagkakait na ilabas ang SALN ng sinomang opisyal ng pamahalaan ay labag sa Saligang Batas.

Ang aksiyon ni Martires “goes against the constitutional principle that public office is a public trust,” paliwanag ni Morales.

Ipinaalala rin ni Morales na “there’s this law which mandates the filing of SALNs and also mandates that the public shall be entitled to even photocopy and reproduce [the SALN of public officials or employees].”

“[N]o one can refuse the request of anyone to use a SALN or to copy a SALN for as long as it is not against morals or public policy,” ratsada ni Morales.

Bago naging Ombudsman, si Morales ay matagal ding naging mahistrado ng Korte Suprema.

Idiniin ni Gadon na ang desisyon ni Martires ay labag sa Republic Act 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, kung saan kasama ang tungkol sa SALN.

Ipinaliwanag ni Gadon na: “The exclusive power of the Ombudsman is that he can ask and examine documents from other agencies to verify the contents of the SALN in connection with an investigation… but not the power to deny access by the public on the SALN itself.”

Batay sa paliwanag nina Morales at Gadon na hinalaw sa mga batas hinggil sa kapangyarihan ng Ombudsman at layunin ng SALN ay nakapagtatakang itinanggi ng Korte Suprema na bigyang ng kopya ng SALN ni AJ Leonen sina Gadon at Calida, samantalang tinanggal nila ang kanilang punong mahistrado na si Sereno dahil paglabag sa R. A. 6713 at mismong Konstitusyon.

Ikaapat na pinakamataas na hurado si Leonen.

Kandidato siya sa pagiging “chief justice” ng SC bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30, 2022.

224

Related posts

Leave a Comment