CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI pa man sumasayad ang puwet sa silya ng katungkulan ay pasan na ni incoming Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Manalang Angara ang ilang utos ni President Ferdinand Marcos, Jr.
Malamang madaragdagan pa ang mga tagubilin, medyo malambot na haliling kataga sa utos, kaya baka pag ganap na siyang bossing ng DepEd ay salampak ang gawin imbes na upo.
Utos number 1: Ibalik ang pagtuturo ng kasaysayan o Philippine History sa mga estudyante para maintindihan ng mga kabataan ang tunay na kahulugan ng pagiging isang Pilipino.
Napansin daw ng Pangulo na kakaunti lamang ang nakasaad dito tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.
Nakupo, baka imando ang rebisyon ng kasaysayan, ipabasura ang mga tala, libro at ibang anyo ng nakahihilakbot na mga kwentong nangyari nung panahon ng batas militar.
Inilalarawan pa mandin na golden years ang ML.
Huwag sanang haluan ng kasinungalingan ang pagtuturo ng kasaysayan. Baka kung sino-sinong mananalaysay ang pumapel imbes na ‘yung may kredibilidad.
Ikalawang utos: Tiyakin ang kapakanan ng mga guro.
Ayon sa Pangulo, ang susi sa matagumpay na programa sa DepEd ay mga guro kaya importanteng mayroon silang sapat na sweldo para masustinihan ang mga sarili at ang kanilang pamilya. Nais din ni Marcos Jr. na tutukan ng DepEd ang tuloy-tuloy na training ng mga guro para makayanan ang mabilis na pagbabago sa teknolohiya.
Naku, pagod na sa trabaho, magsasanay pa para makaagapay sa takbo ng teknolohiya. Sabagay, mainam ito pero, bawasan naman ang oras ng pagtuturo, dami ng bilang ng tinuturuan, at bawasan ang trabahong labas sa pagtuturo.
Ikatlong utos o gawin na nating hiling o tagubilin: Pagbutihin pa ang K-12 Program. Para mapataas daw ang tsansa ng mga estudyante na makakuha agad ng trabaho.
Pagbutihin o tanggalin?
Hindi naman trabaho sa bansa ang sinasabi kundi sa ibayong dagat.
O, sabi ni Marcos Jr. ang K to 12 program ay hindi nagresulta sa inaasam na mas magandang trabaho sa ibang bansa kaya kailangang rebisahin ang basic education curriculum.
Kung ang pagbabago ng curriculum ay para sa mas mabuting edukasyon ay wala namang kontrapelo sa nais ng Pangulo, pero dapat may natutunan at alam ang mga nagtapos.
Sabagay, layunin ng K-12 na maihanay ang sistema ng edukasyon sa ibang bansa para maging de-kalidad at ayon sa internasyonal na pamantayan.
Ngunit, may iba pang layunin kaya isinulong ang K-12. Ito ay para raw mas maging competitive ang Pinoy abroad.
Dapat, unahin na pagbutihin ang kaalaman at natutunan ng mga estudyante na kailangan para gumanda ang estado ng bansa, hindi ‘yung i-export sila upang doon pakinabangan.
Panakip talaga ng gobyerno sa kapos na kakayahang bigyan ng oportunidad sa trabaho ang mga Pinoy kaya ipagtatabuyan na lang sa ibayong dagat.
Mabigat ang trabahong nakaatang kay Angara. Sana nga ay siya ang susi upang mapahusay ang kalidad ng edukasyon sa bansa at malutas ang mga problema sa sektor na ito.
