(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
HANDANG ibunyag ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang totoong kwento sa dinukot na 14-anyos na estudyante sa Taguig kamakailan.
Nagpahayag ng kahandaang dumalo sa pagdinig ng Senado ngayong linggo ang ilang opisyal ng PNP para pabulaanan ang anila’y ‘bad script’ sa insidente na naunang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Ito ay kaugnay sa iniulat ni Remulla na may “rescue operation” ang Anti-Kidnapping Group (AKG) sa kaso ng 14-anyos na estudyante mula sa British School Manila. Ngunit ang katotohanan umano ay walang rescue na naganap dahil ang biktima ay natagpuan ng pulisya sa mismong bahay nila.
“Ang totoo ang mananaig. Hindi kami magpapagamit sa scripted drama,” ayon sa isang opisyal ng pulisya na hindi nagpabanggit ng pangalan.
Lalong lumakas ang posibilidad na “fake news” ang kuwento ni Remulla matapos ipag-utos ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil na i-relieve si AKG Head Col. Elmer Ragay na sasailalim sa internal investigation tungkol sa insidente.
Si Ragay, kasama sina PNP Deputy Chief for Administration Jose Melencio Nartatez, NCRPO director, BGen. Anthony Aberin at iba pang matataas na opisyal ay laman ng viral videos kung saan makikitang nagtungo sila sa bahay ng biktima.
Binigyang-diin ni Gen. Marbil na ang relief ni Col. Ragay ay simula pa lamang ng mas malalim na imbestigasyon upang tiyakin ang integridad ng PNP.
Tiniyak din niya na makikipagtulungan ang PNP sa Senado upang mailahad ang buong detalye ng insidente at maipakita kung sino ang tunay na nagtatangkang lokohin ang publiko.
Samantala, hindi rin maitago ng anti-crime groups ang pagkadismaya sa pahayag ni Remulla na bumababa ang krimen sa bansa. Anila, kabaligtaran ito ng realidad, lalo na matapos ang nasabing pagdukot sa estudyante na na pinutulan pa umano ng daliri ng mga kidnapper.
Ayon kay Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio “Boy” Evangelista, hindi kapayapaan kundi matinding takot ang umiiral ngayon. Imbes na tiyakin ang seguridad ng publiko, tila may mga opisyal pang nagsasamantala sa insidente para sa pansariling interes. “Nakakabahala na tila nagkakapera pa ang iba sa ganitong klase ng krimen,” aniya.
Sa isang pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Remulla na ang mga kidnapper ay humingi ng $20 milyon ransom, na kalauna’y bumaba sa $1 milyon ngunit tiniyak na walang ibinayad ang pamilya—isang pahayag na hindi kinumpirma ng iba pang grupo at tagamasid sa kaso.
Sa halip na malinawan ang publiko, lalong lumakas ang mga espekulasyon matapos lumabas sa social media ang impormasyong taliwas sa sinabi ni Remulla.
Viral ngayon ang diumano’y maling pahayag ng kalihim, hindi lamang sa sambayanan kundi pati kay Pangulong Marcos. Bukod sa wala umanong koneksyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang pamilya ng biktima—na kabaligtaran ng sinabi ni Remulla—may impormasyon ding hindi totoo na walang ransom na ibinayad.
Lalong lumala ang kontrobersya nang lumabas ang balitang walang rescue operation na naganap, taliwas sa ipinagmamalaki ng Kalihim. Ayon sa mga lumulutang na impormasyon, nakuha na ng pamilya ang bata sa tulong ng isang Tsinoy businessman na kaibigan mismo ni Remulla.
Nagpahayag din ng pangamba ang Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) sa insidente ng kidnapping sa bansa. Ayon sa lider nitong si Teresita Ang See, malaki ang epekto ng insidente, lalo na sa Tsinoy community, na madalas target ng ganitong klase ng krimen.
Ngayong Lunes, inaasahang haharap sa Senado ang mga opisyal ng PNP upang ituwid ang pahayag ni Remulla.
