KUNG mayroong higit na nahihirapan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang pagkain, dahil hindi ito maresolba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong Marcos Jr., ang mga kababaihan ang siyang tinatamaan ng husto.
Ito ang tinuran ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party kaugnay ng pagsisimula ng National Women’s Month kaya dismayado umano ang mga kababaihan kay Marcos dahil mistulang walang ginagawa ito para mapababa ang presyo ng mga bilihin.
“As we open National Women’s Month, we highlight the hardships experienced by (our) Filipino women who struggle daily to put food on the table amid unabated price increases. Ang mga kababaihan ang unang nakakaramdam ng kagutuman kapag hindi sapat ang budget para sa pamilya,” ani Brosas.
Sa kabila aniya ng pagmamalaki ng gobyerno na umuunlad ang ekonomiya ng ating bansa, patuloy ang paghihirap ng mga pamilyang Pilipino dahil halos wala nang mabili ang kakarampot na sinasahod ng mga ordinaryong mamamayan dahil sa mga price hike.
Hanggang ngayon ay nanatiling mataas ang presyo umano ng bigas dahil naglalaro pa rin ito sa P50 hanggang P60 kada kilo at kung mayroon mang ibinebentang mas mababa dito ay sa mga Kadiwa outlet lamang makakabili.
“The economic crisis falls heaviest on women’s shoulders. Sila ang nagbabalanse ng kakarampot na budget, sila ang nagtitiis ng gutom para may makain ang kanilang mga anak. This Women’s Month, we demand genuine economic relief through concrete measures like removing burdensome taxes on basic goods,” pinunto ni Brosas.
Iginiit pa ng mambabatas na agad na ibasura ang Value Added Tax (VAT) at mga excise tax sa lahat ng pangunahing kailangan ng mga mga tao upang mabawasan kahit papaano ang presyo ng mga pagkain.
“We demand the scrapping of the 12 percent VAT on electricity, water and other basic services. Hindi na makatarungan na patuloy na pinapasan ng mga kababaihan at kanilang pamilya ang mabigat na buwis habang binibigyan naman ng mga tax incentive ang malalaking korporasyon,” pagtatapos nito. (PRIMITIVO MAKILING)
