IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA ‘DI MAGIGING CIRCUS – CHIZ

TIWALA si Senate President Francis Chiz Escudero na hindi magiging circus ang mangyayaring impeachment trial sa pagpasok ng mga bagong halal na senador.

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Escudero na batay sa mga inisyal na resulta ng halalan, lima sa mga nanalong senador ay reelectionist, apat ang mga dating senador at tatlo ang mga kongresista.

Sinabi ni Escudero na mga beterano at batikan na sa mga legislation ang mga ito kaya’t alam na rin ang parliamentary rules kaya’t inaasahan niyang magiging maayos ang proseso.

Kasabay nito, sinabi ng Senate leader na kung sinoman ang magpe-preside, lalo na kung mananatiling siya ang mangunguna ay titiyakin niyang mapayapa, maayos at maiintindihan ng tao ang proseso.

Tumanggi naman si Escudero na pangunahan ang magiging stand ng bawat papasok na senador kasabay ng paalala na ang anomang pre-game analysis maaaring ma-interpret na panghuhusga.

Muli rin siyang nanawagan sa mga senador at mga papasok na senador na iwasang magkomento kaugnay sa impeachment complaint lalo na kung hindi pa nailalatag ang mga ebidensya.

Prosec Team Lalakas

LALO umanong lumakas ang prosecution team ng Mababang Kapulungan sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio sa pagsama nina Mamamayang Liberal (ML) party-list representative-elect Leila De Lima at Akbayan party-list representative-elect din Atty. Chel Diokno.

Ito ang kumpiyansang pahayag ni Lanao del Sur congressman Zia Alonto Adiong matapos tanggapin nina De Lima at Diokno ang imbitasyon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na maging bahagi ng House prosecution team kasunod nang pagkatalo nina Ako Bicol party-list representative Jill Bongalon at General Santos City solon Loreto Acharon.

“With the addition of incoming representatives De Lima and Diokno, we see the convergence of moral clarity and legal precision in our pursuit of conviction. Their presence brings not only valuable expertise but also a profound human rights perspective that elevates the quality of the entire proceeding,” punto ni Adiong.

Sinabi ng mambabatas na ang presensya ni De Lima sa panel ay may malalim na simboliko at institusyonal na kahulugan, lalo na sa kanyang karanasan bilang dating senador at dating kalihim ng Kagawaran ng Katarungan.

SA kabilang dako, sinabi ni Adiong na si “Rep. Chel Diokno has spent decades defending rights, educating lawyers and upholding the Constitution. His presence assures the public that this trial is about truth, not theatrics, not power plays.”

Ayon naman kay La Union Rep. Paolo Ortega V, malaki ang maitutulong nina De Lima at Diokno sa prosecution team dahil matagal na umanong lumalaban ang mga ito para sa human rights at rule of law.

Si De Lima ay kinasuhan ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong isangkot sa illegal drug trade sa National Bilibid Prison subalit matapos ang halos 7 taon ay inabsuwelto ito.

“Sila iyong mga tunay na icon of justice natin kaya malaking bagay na pumayag silang maging bahagi ng House prosecution. This shows the kind of leaders we want on the frontlines: those who have spent their lives defending the Constitution,” ani Ortega.

“Ang malinaw dito: hindi ito laban ng kulay o partido. Laban ito ng katotohanan at pananagutan,” paglilinaw pa ng mambabatas dahil sina De Lima at Diokno umano’y kilalang kaalyado ni dating Vice President Leni Robredo na mahigpit na kalaban ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., hindi lamang noong 2016 vice presidential race kundi noong 2022 presidential election.

(PRIMITIVO MAKILING)

80

Related posts

Leave a Comment