(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
HINDI dapat balewalain ng administrasyong Marcos ang impluwensya ng mga Duterte sa darating na 2025 midterm elections.
Para sa isang University of the Philippines professor, magiging mahigpit ang laban ng kampo ng mga Marcos at Duterte sa susunod na halalan bunga ng pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte sa gabinete.
Sa isang media forum, sinabi ni Professor Danilo Arao na asahan na ang laban ng north vs south sa halalan sa susunod na taon dahil sa kampo nina Pangulong Marcos at ng mga Duterte.
Aniya, isa sa mga indikasyon ng pananatili ng impluwensya ni Duterte ang kabiguan ng mga pulis na mahanap at maaresto ang kaalyado nitong si Pastor Apollo Quiboloy.
Samantala, kaugnay naman sa pagbibitiw ni Duterte sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, naniniwala si Arao na dapat tuluyan na itong buwagin dahil nakilala lamang ang task force sa pangre-red-tag.
