25,000 TONELADANG NICKEL ORE TIMBOG

MATAPOS masungkit ng isang Chinese firm na una nang ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pahintulot ng Palasyo, bulilyaso agad ang bumu­ngad sa pagbabalik ng operasyon ng kumpanyang nagmamay-ari ng isang minahan sa lalawigan ng Zambales.

Sa pahayag ng Bureau of Customs – Port of Manila (BOC-Manila), isang dambuhalang sasakyang-dagat na naglalaman ng nasa 25,000 metriko toneladang nickel ore ang pini­gilang maglayag nito lamang nakalipas na linggo.

Base sa ulat ng BOC-Manila, isang ulat ang natanggap ng kawanihan hinggil sa isang barkong nakadaong sa karagatan sa Barangay Bolitoc-Lo­ngos na sakop ng bayan ng Sta. Cruz sa nasabing lalawigan.

Nang inspeksyunin ng mga tauhan ng BOC-Manila kasama Philippine Coast Guard ang barko, tumambad ang sanda­makmak na nickel ore na lulan ng hindi pinangalanang foreign vessel. Sa interogasyon, bigo naman ang mga inabutang tripulante na makapagprisinta ng kaukulang permiso mula sa DENR.

Dito na inatasan ni BOC-Manila District Collector Michael Angelo Vargas ang mga operatiba na kumpiskahin ang nadiskubreng nickel ore sa bisa ng Warrant of Seizure and Detention base na rin sa rekomendasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Sa imbestigasyon, lumalabas na nakatala sa Yinglong Steel Corporation ang mga lulang nickel ore na sakay ng barko.

Nahaharap naman sa patong-patong na asunto ang Yinglong para sa paglabag sa Sec. 1113 at 1401 ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Customs Administrative Order 10-2020 at mga umiiral na reglamento ng DENR-Environmental Ma­nagement Bureau (EMB).

Bago pa man madiskubre at kumpiskahin ang nickel ore na karga ng naturang barko, una nang sinuspinde ni Mines and Geosciences (MGB) Director Atty. Wilfredo Moncano ang Mineral Ore Export Permit ng Yinglong.

Binawi na rin ng MGB ang Extended/Renewed Mineral Ore Export Permit ng Yinglong Steel Corporation.

Nasa kustodiya na rin ng BOC-Manila Auction and Cargo Division ang barko at mga lulang nickel ore.

28

Related posts

Leave a Comment