PAGKUKUBLI NG PANGALAN

BAGAMAT nakalulugod ang bawat tagumpay ng operasyon kontra smuggling, lubha namang nakakapagtaka ang ginagawang pagkukubli ng pagkakakilanlan ng mga arestadong claimants ng mga kontrabandong nabulilyaso ng Bureau of Customs (BOC).

Sa isang liham na ipinadala ng isang masugid na mambabasa ng pahinang Aduana Spotlight ng pahayagang SAKSI NGAYON, itinanong ng isang mapanuring netizen ang aniya’y hindi pangkaraniwang kalakaran kaugnay ng mga claimants ng mga illegal parcels na nadakip sa mga controlled delivery operations ng kawanihan.

Kabilang sa mga tinukoy ng ating masugid na mambabasa ang pagkakasabat ng smuggled na gagambang nabulilyaso sa Port of NAIA noong Nobyembre 22, 2021. Batay sa datos ng Port of NAIA, pinadaan sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City ang mga nasabat na gagamba na nagmula sa Poland.

Sa tala mismo ng mga operatiba, aabot sa P75,000 ang halaga ng 10 gagambang (katumbas ng P7,500 bawat isa) wari ko’y ginagamit sa derby ng mga yayamaning conyo bilang libangan kung saan hindi barya-barya ang pustahan.

Bagamat timbog sa isinagawang controlled delivery operation ang consignee, nananatiling lihim naman sa publiko ang pangalan ng suspek na nadakma sa lungsod ng Olongapo. Huh? Marahil, isang sikat na celebrity o kaanak ng maimpluwensiyang tao ang sangkot sa bulilyaso, kaya naman sikreto muna ang pangalan ng nasabing tao.

Maging ang claimant ng P8.5-milyong pisong halaga ng party drugs na higit na kilala bilang ecstasy, ikinubli rin sa  publiko. Huli sa inilunsad na controlled delivery operations sa Las Piñas City ang misteryosong suspek nito lamang nakaraang Disyembre 7.

Sa dalawang insidenteng ito, mawawari mong bigtime ang mga sangkot sa bulilyaso. ‘Yan din marahil ang dahilan kung bakit kailangan manatiling sikreto ang kanilang pagkakakilanlan. Mahirap nga naman kung madudungisan ang iningatang pangalan ng nasabing tao, pamilya o padrinong posibleng nasa likod nito.

Ano ang katiyakan ng publikong naisampa ang angkop na asunto sa mga taong ‘di naman pinangalanan ng BOC?

Posible rin namang ayaw ng BOC masunog ang follow-up operations. Pero kung wala naman, bakit kailangan pang itago ang mga pagkakakilanlan ng mga suspek?

Sa ganang akin, mas angkop na ilantad ang kanilang pangalan para hindi na pamarisan. Ito rin ang magpapatunay na umiiral ang transparency sa BOC na kilala lamang sa katiwalian.
oOo

Para sa reklamo, mag-email operarioj45@gmail.com o magtext sa cel# 0919-259-59-07.

186

Related posts

Leave a Comment