TIMBOG sa mga alistong operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang isang banyagang turista matapos mabisto ang nasa anim na kilong shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kalatas ng BOC-NAIA, lumapag sa paliparan ang banyaga sakay ng Ethiopian Airlines flight ET644 mula sa Madagascar, East Africa. Kinilala ang suspek sa pangalang Randriamparany Harisoa Sandra.
Ayon sa mga operatiba, inaresto ang dayuhan matapos magduda ang mga kawani sa imaheng lumabas sa X-ray scanner. Nang buksan ang bag ng suspek, tumambad ang anim na kilong shabu – hudyat para piitin ang estranghero.
Nang suriin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasamsam na kontrabando, lumabas na positibong shabu.
Sa pagtataya ng PDEA, aabot sa P40.8 milyon ang halaga ng nakumpiskang droga mula sa suspek na nahaharap ng kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization Act).
Paniwala ng BOC, miyembro ng isang malaking sindikato ang dayuhang tubong Madagascar.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PDEA sa hangaring matunton at madakip ang iba pang miyembro ng sindikatong nagpupuslit ng droga sa Pilipinas. (JOSE OPERARIO)
