Isinumbong sa Senado ONLINE SELLERS, MALILIIT NA NEGOSYO ‘KINOKOTONGAN’ SA BIR

KINALAMPAG ni Senador Bam Aquino ang mga awtoridad upang matugis ang mga kurakot na opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nangongotong ng milyun-milyon mula sa maliliit na negosyo at online sellers

Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, na kanyang pinamumunuan, iginiit ni Aquino na kabilang ang BIR sa mga ahensya ng gobyerno na madalas ireklamo ng maliliit na negosyo at online sellers.

“Nais nating tukuyin ang pinakamagastos, pinakamabigat, at mahihirap na requirement at regulasyon na hinaharap ng ating maliliit na negosyo. Mula sa pagsisimula ng negosyo, sa kanilang araw-araw na operasyon, hanggang sa kanilang paglago,” pahayag ni Aquino.

“Kasama na po rito ang hinaharap ng mga maliliit na negosyo na pangongotong at korapsyon na nakikita nila na pumapatay sa kanilang mga negosyo. Dapat alisin na natin ang korapsyon at hulihin ang mga empleyado na humihingi ng lagay para mapabilis ang proseso,” dagdag pa niya.

Sa hearing, isinumbong ng isang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na patuloy pa rin ang katiwalian sa BIR, kung saan kumikita ng milyon ang mga examiner mula sa entrepreneurs.

Ito’y kahit may kautusan na mula sa pamunuan ng BIR na suspendihin ang lahat ng field audits at kaugnay na operasyon, kabilang ang paglalabas ng letter of authority (LOA), na nagbibigay kapangyarihan sa revenue officers na i-audit ang books of accounts ng isang taxpayer.

Ayon kay Yolanda dela Cruz, PCCI vice president para sa National Capital Region (NCR), nakatanggap siya ng LOA mula sa BIR na humihingi ng kabayarang P6 milyon matapos niyang magbukas ng food processing machinery company.

Pinakiusapan lang niya ang tauhan ng BIR na magbayad siya ng P600,000 ngunit humingi siya ng resibo. Pumayag ang unang examiner na nagpunta sa kanya, ngunit humingi naman ng parte ang iba pang sumunod na examiner.

Nagtataka naman si Aquino kung bakit patuloy pa rin ang ganitong kalakaran kahit sinabi na noon na ito’y itinigil na.

Ayon pa kay Aquino, kung kagaya ni dela Cruz na isang opisyal ng PCCI ay nakararanas ng ganitong katiwalian, paano pa iyong maliliit at bagong mga negosyante.

Bukod sa BIR, binanggit din ng Senador ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Food and Drug Administration (FDA) bilang ilan sa mga ahensya ng gobyerno na madalas na nababanggit sa mga reklamo ng maliliit na negosyo at online sellers.

“Iyong mga ahensya po na nandito, kayo po iyong napili namin, BIR, BFP, FDA, because to be frank, marami po sa mga complaints ng mga maliliit na negosyo, sa inyo po rin tinutukoy,” diin ni Aquino.

(DANG SAMSON-GARCIA)

37

Related posts

Leave a Comment