PINATUNAYAN ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kung ano ang kaya niyang iambag sa bansa kasunod ng kanyang paninindigan sa pagtatanggol sa posisyon ng Pilipinas hinggil sa soberanya at pandaigdigang batas sa isang high-level security forum sa Seoul.
Ito ang iginiit ni Senador Panfilo Lacson kasunod ng papuring natanggap ni Teodoro mula sa mga netizen sa South Korea matapos niyang pagsabihan ang mga delegadong Tsino dahil sa kanilang pagtatanong sa 2016 South China Sea Arbitration Award sa naturang forum.
“Imagine a ‘President Gilbert Teodoro’ alongside global leaders: the world would inevitably ask why a nation led by such a brilliant mind remains poor and underdeveloped,” pahayag ni Lacson sa post sa X.
Sa Seoul Defense Dialogue noong Setyembre 8, hinarap ni Teodoro ang mga delegadong Tsino kaugnay ng kanilang note na kumukuwestiyon sa 2016 South China Sea Arbitration Award na kumilala sa posisyon ng Pilipinas.
Sa forum, iniabot kay Teodoro ng isang event staffer ang note mula sa isang delegadong Tsino na nagsasabing nilalabag umano ng arbitration award ang “fundamental principles of international law.”
Bilang tugon, binasa ni Teodoro nang malakas ang note at binigyang-diin ang primacy ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Binigyang-diin din niya na kailangang magpakita ang China ng “basic decency and behavior” at sinabi sa mga delegadong Tsino: “maging disente lang kayo nang konti, mahiya naman kayo nang konti (be a little decent and have some shame).”Iniulat na pinuri ng mga netizen sa South Korea si Teodoro para sa kanyang “elegant anger in human language.”
(DANG SAMSON-GARCIA)
43 