KINUMPIRMA ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na may mga bagong testigong lumutang at dumulog sa Office of the Ombudsman upang maglahad ng detalye hinggil sa umano’y paghatid ng kahon-kahong pera kaugnay ng mga maanomalyang infrastructure project sa Taguig City.
Ayon kay Lacson, kabilang sa isinumiteng impormasyon ang isang delivery na nagkakahalaga umano ng milyun-milyong piso.
“Ang latest development diyan, may mga testigo na dumulog sa Ombudsman kung saan nag-share ng details paano dinadala ang kahon-kahong pera, parang ang isang delivery, (milyun-milyong piso),” pahayag ni Lacson.
Sinabi ng senador na kabilang ang mga bagong impormasyon sa sinusuring ebidensya ng Ombudsman sa isinagawang fact-finding investigation sa mga alegasyon ng anomalya sa mga proyekto sa Taguig.
Nauna nang isinumite nina Lacson at ng kanyang team sa Ombudsman ang hindi bababa sa 45 case studies, kalakip ang mga opisyal na dokumento, na naglalahad umano ng “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project.
Dahil sa takbo ng imbestigasyon, sinabi ni Lacson na hindi siya magugulat kung magsampa ng mga kaso ang Ombudsman laban sa mga sangkot bago matapos ang taon.
“Ngayon Ombudsman na ang gumagalaw so let’s see what happens. I would like to think hindi ito aabutin ng end of the year magkakaroon ng pagsasampa ng kaso dito,” aniya.
Samantala, sinabi ni Lacson na batay sa mga bagong datos mula sa Philippine Reclamation Authority (PRA), umabot na sa 170 ektarya ang umano’y unauthorized encroachment sa Laguna Lake sa bahagi lamang ng Taguig City—doble sa naunang pagtatayang 85 ektarya.
Ayon kay Lacson, ang 170 ektarya ay halos sangkatlo ng tinatayang 560 ektaryang reclaimed area na sumasaklaw sa mga bahagi ng Laguna Lake sa Rizal at Laguna.
Itinuturing niyang “blessing” kung makukumpiska ng pambansang pamahalaan ang ilegal na na-reclaim na bahagi sa Taguig dahil prime property umano ito at maaari ring makatulong sa pagprotekta sa ekolohiya ng lawa.
Gayunman, iginiit ni Lacson na hindi dapat magtapos sa forfeiture ang usapin at kailangang panagutin ang mga responsable.
“We should not stop at forfeiting illegally reclaimed (parts of the) lake. Managot ang dapat managot,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Lacson na maaaring nasayang ang hindi bababa sa P3.713 bilyong pondo ng bayan sa mga proyektong isinagawa sa mga bahagi ng Laguna Lake sa Taguig City na saklaw ng government action kaugnay ng umano’y “illegal” reclamation.
(DANG SAMSON-GARCIA)
55 