NAKASALALAY sa available na data ang desisyon kung magpapatupad ang pamahalaan ng “stricter community quarantine” sa National Capital Region (NCR).
Ito’y matapos na magbabala ang grupo ng mga researcher hinggil sa posibilidad na pagsirit ng COVID-19 cases sa NCR sa susunod na ilang linggo.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na susuriin ng pamahalaan ang data sa two-week attack rate at critical care capacity.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Sec. Roque na ang healthcare system ay matutugunan ang sitwasyon.
Sa huling report ng OCTA Research Team, nakasaad na ang bagong coronavirus variant mula sa United Kingdom ay maaaring nasa Pilipinas at ang “super spreader” events gaya ng Feast of the Black Nazarene ay puwedeng makapag-ambag sa posibilidad ng pagtaas ng kaso ng nasabing virus.
Kaya hinikayat nito ang pamahalaan na taasan at dagdagan ang testing, contact tracing, palakasin ang kapasidad ng healthcare system para sa paghahanda ng potential outbreaks, bilisan ang pagbili ng ligtas at epektibong COVID-19 vaccines at maayos na i-roll out ang immunization program.
Sa kabilang dako, suportado naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang huling reproduction number na inilabas ng DoH.
“Ngayon lang po nagnu-normalize ang ating functions ng mga laboratories natin and this might have some effect on the number of reported cases. Gusto ho nating tingnan pa nang by another one week pa siguro para we can have a more accurate conclusion kung ano po talaga ang trends ng mga kaso natin,” ang pahayag nito.
Hinggil naman sa epekto ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno ay sinabi ni Vergeire na “As we always say, we count 14 days because this is the incubation period of the virus.”
“So after 14 days or maybe two to three weeks saka po natin makikita kung sakaling makakaapekto ito dito sa mga kasong nakikita natin sa ngayon,” dagdag na pahayag ni Usec. Vergeire. (CHRISTIAN DALE)
