SAAN NAKUKUHA ANG KULITI?

Ni Ann Esternon

Kapag nanilip ka raw, tiyak na magkakakuliti ka.

Hindi totoo iyan at pang-asar lamang iyan na kasabihan o lumang paniniwala.

Ang kuliti, stye sa Inggles at may medical term na hordeolum, ay bukol sa labas o gilid na bahagi ng talukap ng mata. Ang bukol na ito ay unti-unting tumutubo o lumalaki, nagiging mapula, masakit at naluluha ang mata. Habang tumutubo ang kuliti ay nangungulekta ito ng nana kaya’t lalong namamaga at sumasakit habang tumatagal. Ito ay parang tigyawat o pigsa sa mata. Maaari ring tumubo ang kuliti sa likod ng talukap ng mata.

Ang ating mga mata ay may oild glands lalo na sa paligid ng pilikmata. Ang dumi, dead skin at oil ang siyang bumabara sa holes, dahilan upang ang bacteria ay mamuo sa loob at nagiging kuliti. Sa makatuwid, ang bacteria ang sanhi kung bakit nagkakakuliti. Bacterium staphylococcus ang dahilan kung bakit may impeksyon sa mata. Nagiging sensitibo rin sa liwanag kapag mayroong kuliti.

 

SAAN NAKUKUHA ANG KULITI?

– Kapag hinawakan ang mata lalo na kung marumi ang mga kamay

– Kapag hindi nagtatanggal ng makeup

– Kapag expired ang makeup na ginagamit

– Kapag naglagay ng contact lenses na hindi na-disinfect

– Kapag may skin condition (facial redness) na rosacea

Kapag ang kuliti ay hindi masakit, maaaring ito ay chalazions. Ang paggamot sa kuliti at chalazions ay parehas. Gayunman, mas matagal gumaling ang chalazions.

Kusang nawawala ang kuliti matapos ang pitong araw hanggang 10 araw o dalawang linggo.

 

PARAAN PARA MAWALA ANG KULITI

Warm compress. Makatutulong ang warm compress upang madaling magamot ang kuliti. Gumamit lamang ng malinis na bimpo at basain gamit ang maligamgam na tubig. Banayad na ipwesto ito sa kuliti. Ang init ay nakatutulong upang ang nana ay umaakyat sa paligid ng balat at tinutunaw ito kasama ng langis upang mawala o lumabas nang tuluyan sa balat.

Warm tea bag. Malaking tulong din ang paggamit ng mainit na tea bag na siyang ilalagay sa matang may kuliti. Mas mainam kung black tea ang gagamitin dahil ito ay may antioxidant. Maglagay ng kumulong tubig sa tasa o mug, saka ilagay dito ang tea bug. Ibabad ang tea bag ng isang minuto. Palamigin nang kaunti ang tea bag (init na kaya lamang) saka ilagay sa kuliti. Hayaan ito ng 5 hanggang 10 minuto. Gawin ito tatlo hanggang apat na beses sa loob ng isang araw.

OTC pain medication. Kapag ang sakit o kirot ay hindi kaya, maaaring bumili sa botika ng OTC (over the counter) na gamot. Sundin ang instructions sa pakete para sa tamang dose.

Iwasan ang makeup at contact lenses. Kapag may kuliti, iwasan munang gumamit ng makeup at contact lenses upang maiwasan ang impeksyon at agad na gumaling.

Magpakonsulta sa doktor. Kapag napapansing hindi o matagal gumaling ang kuliti, pumunta na agad sa doktor at ipasuri ito.

Iwasang hawakan ang mga mata. Iwasang hawakan nang hawakan ang mga mata upang hindi magdulot ng impeksyon. Ang ating mga kamay ay hindi maiwasang makahawak ng mga dumi o bacteria kaya dapat maging maingat.

3535

Related posts

Leave a Comment