MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
OPEN secret na sa ating lipunan na ang isa sa source ng corruption sa ating bansa ay ang infrastructure projects na trillion-trillion ang pondo pero magtataka ka, bakit wala man lang naparurusahan.
Pero sa pagkakataong ito, baka naman may masampolan na sa gumuhong Sta. Maria-Cabagan Bridge dahil halata naman na substandard ang materyales dahil kung hindi ay makadaraan ang mabibigat na mga sasakyan.
Mantakin n’yo naman, tanging bisikleta at motorsiklo ang pwedeng dumaan dahil kapag 4-wheels ay umuuga kaya mula sa mahigit P600 million na orihinal na budget ay naging P1.2 billion dahil muling pinondohan ang retrofitting ng tulay para makadaan ang mga kotse.
Sino kayang henyo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa national at Region 2 ang nakaisip na ang kontrata sa retrofitting ng tulay ay ibigay sa RD Interior Jr Corporation na siyang gumawa ng substandard na tulay? Dapat may managot diyan, hindi pwedeng wala.
Walang maniniwala na hindi kinupitan ang tulay na ‘yan kaya nasa gobyerno na ang bola kung hahabulin at pananagutin ang mga nasa likod ng maanomalyang pagpapatayo ng tulay na ‘yan dahil kung hindi ay mauulit at mauulit ‘yan.
Malas lang ng RD Interior Jr Corporation dahil kitang-kita ang dispalinghadong proyektong ginawa pero proyekto ang pinaniniwalaan ng taumbayan na pinagkakakitaan ng mga tiwali sa gobyerno.
Hindi ba kayo magtataka na maya’t maya ay binubungkal ang national highways kahit hindi pa sira? May budget kasi kada taon ‘yan kaya dapat nilang gastusin dahil kung hindi ay ibabalik sa national treasury.
Kailangang gumawa na siguro ang Kongreso ng batas na ang life span ng kalsada ay dapat 5 hanggang 10 taon pero suntok sa buwan dahil marami sa mga kongresista ay mga contractor mismo.
‘Yung flood control projects, hindi lang sa mga probinsya meron ‘yan kundi maging sa Metro Manila, kaya may mga nagbubungkal para maglagay ng daluyan ng tubig-ulan pero walang silbi at dahil nakabaon, hindi masusuri ng mga tao kung totoo bang may ginawa sa ilalim ng lupa?
Daan-daan bilyong piso ang nagastos sa ganyang proyekto ngunit bumabaha pa rin at lumala pa pero may mga naparusahan bang mga kontraktor? Wala akong narinig o alam na may nakulong dahil walang political will ang gobyerno na panagutin sila.
Kung seryoso talaga ang gobyerno at maging ang hudikatura na parusahan ang mga kontraktor na dispalinghado ang mga ginawang proyekto, baka kakanta na ang mga ‘yan na humingi ng komisyon si politiko kaya kailangan nilang tipirin ang materyales para hindi sila malugi.
Kailangan na ring ipagbawal sa mga politiko partikular na ang mga congressman at local officials tulad ng governors, mayors, na magkaroon ng construction companies. Kapag kontraktor, dapat bawal sa pulitika. Ang nangyayari kasi kunwari binabawi nila ang kanilang interes sa construction companies kapag tumakbo sila pero ang namamahala ay mga anak, asawa o kaya ay mga kapatid. Ginagawa tayong tanga eh.
