AT YOUR SERVICE NI KA FRANCIS
PINAALALAHANAN natin ang ating mga kababayan dahil nakatanggap tayo ng ulat na posibleng tumaas pa ang mga kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), pumalo na sa 7, 000 katao ang dinapuan ng HFMD at posible pa itong tumaas sa susunod na mga araw.
Nabatid na mula noong Enero 1 hanggang nitong Pebrero 22, 2025, nasa 7,598 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng HFMD.
Mas mataas ito ng tatlong beses kumpara noong nakaraang taon na nasa 2,665, subalit mas mababa pa rin kumpara noong 2023 na nakapagtala ng mahigit 2,500 kaso sa loob lamang ng isang linggo, buwan ng Pebrero ng naturang taon.
Ayon pa sa ulat, patuloy ang pagkalat ng sakit na ang mga dinadapuan ay mga edad 4 pababa.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa, bagama’t mabilis ang pagkalat ng HFMD, ay bihira naman ang namamatay sa sakit na ito.
Kaya nagpaalala ang DOH sa publiko na mag-ingat sa talsik ng laway na posibleng may virus o paghawak sa mata, ilong o bibig ng kamay na maaaring kontaminado ng virus.
Ang Metro Manila ay nakapagtala ngayon ng 4,225 kaso, samantalang mahigit kalahati naman nito ang kaso sa Central Luzon, Cordillera Administrative Region at MIMAROPA.
Sa hirap ng buhay ngayon ay bawal magkasakit, hangga’t maaari ay umiwas tayo na madapuan ng mga karamdaman.
Kung may sakit tayo ay hindi tayo makapagtatrabaho, paano na ang mga umaasa sa atin, ang ating pamilya?
Pinakamahalaga sa atin lalo ang padre de pamilya na naghahanapbuhay, ay laging malakas ang pangangatawan.
Sa isang pamilya, ang tatay ang haligi ng tahanan. kung magkakasakit siya babagsak ang tahanan at posibleng mawasak ito.
Kaya kailangang maging matatag ang padre de pamilya hangga’t maaari, kapag may nararamdaman ay uminom agad ng gamot para hindi humantong pa sa malalang sakit.
Bagama’t sinasabi na walang namamatay sa sakit na ito, iba pa rin siyempre ang walang sakit na naghahanapbuhay, at malakas ang pangangatawan.
Ingat din minsan para sa ating mga sarili, iba na ang malusog ang katawan.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
