MARINDUQUE, HUMINGI NG AGARANG DESISYON SA SC SA P1.6-BILLION LAWYERS’ FEE

NANAWAGAN si Marinduque Governor Melecio J. Go kay Supreme Court Chief Justice Rodil V. Zalameda na agarang aksiyon ang petisyon ng lalawigan na kumukuwestiyon sa ₱1.6-bilyong lawyers’ fee kaugnay ng $100-million settlement offer sa kaso ng Marcopper mining disaster.

Sa liham na ipinadala kay Zalameda, sinabi ni Go na tinatayang ₱800 milyon ang mababawas sa Landbank Trust Account ng lalawigan dahil sa writ of garnishment na iniutos ng Court of Appeals (CA) bilang bayad sa mga abogadong nagsilbi umano sa loob lamang ng dalawang taon.

Kinukuwestiyon ng gobernador ang 25 porsiyentong contingency fee na hinihingi ng mga abogado. Iginiit din niya na hindi dumaan sa wastong procurement process ang pagkakatalaga sa law firm.

Ayon sa liham, wala ring naganap na paglilitis sa merito bago ipatupad ang nasabing garnishment.

Dahil dito, hiniling ni Go sa punong mahistrado na agarang aksiyon ang kanilang petition for certiorari na nakatala sa Supreme Court bilang G.R. No. E-08965 at CA-G.R. SP No. 0001-KALIKASAN.

Wala pang inilalabas na tugon ang Court of Appeals o ang panig ng mga abogadong inaasahang makatatanggap ng bayad kaugnay ng liham ni Go.

(DANNY BACOLOD)

27

Related posts

Leave a Comment