TINUTUGIS ng Philippine National Police (PNP) ang hinihinalang online predator na umano’y nang-impluwensiya sa isang 12-anyos na estudyante upang saksakin ang dalawa nitong kapwa mag-aaral sa loob ng isang elementary school sa Caloocan City.
Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na tukuyin at tugisin ang person of interest na umano’y nakipag-ugnayan sa menor de edad sa pamamagitan ng online gaming platform na Roblox at social media application na TikTok.
“Exploiting a minor’s vulnerability to incite real-world violence is a serious crime and we will pursue this perpetrator wherever they are hiding online,” ayon kay Nartatez.
Wala pang natutukoy na pagkakakilanlan ang mga imbestigador sa hinihinalang online predator. Hindi rin malinaw kung ito ay nasa Pilipinas o nasa ibang bansa.
Pinakilos din ni Nartatez ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Caloocan City Police Station upang alamin ang tunay na motibo sa pananaksak.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na umano’y nakararanas ng bullying ang 12-anyos na suspek mula sa kanyang mga kaklase, kabilang ang pisikal na pananakit at panlalait. Gayunman, patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang mga alegasyong ito.
Nagtamo ng pitong saksak ang isa sa mga biktima, habang dalawang saksak naman ang tinamo ng isa pa. Pareho silang isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at idineklarang ligtas na sa panganib.
Nakatakda na silang payagang makalabas ng ospital at sasailalim sa psychological debriefing.
Samantala, nasa pangangalaga na ng Caloocan City Social Welfare and Development Office ang 12-anyos na suspek.
Iniuugnay rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang Roblox sa umano’y radicalization ng mga bata kasunod ng naganap na insidente ng pamamaril sa Zamboanga.
Muling binuhay ng insidente ang panawagan para sa mas mahigpit na paggabay ng mga magulang sa paggamit ng mga bata ng online gaming platforms at social media.
Ayon sa National Parent Teacher Association Philippines (NPTA), maaaring hindi sapat ang mga hakbang pangseguridad sa loob ng paaralan upang maiwasan ang karahasan.
(JESSE RUIZ)
602 