SUMUGOD sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang unyon ng mga piloto ng Air Asia Philippines para maghain ng notice to strike.
Kasunod ito ng biglaang retrenchment sa 90 piloto ng naturang airline noong Nobyembre 24, at nabigyan na lamang ng hanggang Disyembre 31 ng pananatili nila sa trabaho.
Nagpahayag din ng pagdududa ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa naging dahilan ng tanggalan ng mga piloto.
Ayon sa TUCP, kahina-hinala ang timing nito — nangyari ang tanggalan isang araw bago pa man matanggap ng mga piloto ang sertipikasyon na magbibigay sa kanila ng pahintulot na magsagawa ng eleksyon para sa pormal na pagtatatag ng unyon.
Dahil dito, naniniwala ang grupo na hindi basta-basta ang naging desisyon at kailangang busisiin kung may kaugnayan ito sa pagsusulong ng mga piloto na mag-organisa.
Sinabi ni Oscar Ramos Jr., ang presidente ng Air Asia Philippines Pilot Union, karamihan sa lagpas 200 piloto ng kumpanya ay sumama sa unyon, at sa 90 na-retrench ay humigit kumulang sa kalahati ang kasapi na nila.
(JOCELYN DOMENDEN)
31 