KAPAG AI ANG GUMUHIT NG POSTER

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAY mga bagay talagang nagsisimula sa isang simpleng post sa social media. Isang larawan, isang tanong, tapos biglang may mga taong sumasang-ayon, may kumukontra, at may sariling karanasan na ibinabahagi. Isa sa mga pinag-uusapan ngayon ay ang paggamit ng AI sa mga gawain para sa Buwan ng Wikang Pambansa 2026. Lalo itong naging kapansin-pansin dahil ang tema ngayong taon ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Hindi naman mahirap intindihin kung bakit ginagamit ang AI. Kasama mismo ito sa tema.

Kung gagawa ang isang estudyante ng prompt tungkol sa pagmamahal sa kalikasan at gagamit ng AI para makakuha ng ideya o reference, para sa akin, ayos lang iyon. Hindi naman kailangang ituring ang AI na kalaban ng sining. Maaari itong maging kasangkapan para makatulong sa isang taong may ideya pero nahihirapang simulan ito.

Pero nagiging iba ang usapan kapag ang AI na mismo ang gumawa ng buong poster at iyon na ang ipapasa bilang likha ng estudyante. Dito ako napaiisip: Poster Making pa ba ang tawag dito? Kung ang pangunahing kasanayang sinusukat ay kung gaano kagaling gumawa ng prompt, baka mas bagay itong tawaging Prompt Making Contest.

Hindi naman masama ang prompt making. Kasanayan din iyon. Pero iba ang galing sa paggawa ng prompt sa galing sa pagguhit.

Mas gusto ko sanang pagsamahin ang dalawa. Puwedeng gumawa muna ang kalahok ng prompt batay sa tema, pagkatapos ay gamitin ang AI para makabuo ng reference.

Mula roon, siya mismo ang gagawa ng poster nang mano-mano sa mismong oras ng paligsahan. Hindi kailangang eksaktong kopyahin ang AI generated image. Mas gusto ko pa ngang makita kung paano niya babaguhin ang reference at gagawin itong sariling likha.

Doon kasi makikita ang tunay na papel ng AI bilang kasangkapan. AI ang tumulong sa ideya, pero ang kamay ng estudyante pa rin ang gumawa ng poster. Makikita kung paano siya pumili ng kulay, nag-ayos ng mga elemento, nagdagdag ng detalye, at nagdesisyon kung ano talaga ang gusto niyang ipakita. May ambag ang teknolohiya, pero hindi nito ginagawa ang buong trabaho.

Pero naiintindihan ko rin ang kabilang panig. Hindi lahat ng bata ay mahusay gumuhit.

May mga estudyanteng mahusay mag-isip ng konsepto pero hindi ganoon kagaling sa traditional art. Kung gagamit sila ng AI, nagkakaroon sila ng ibang paraan para maipakita ang kanilang ideya. At hindi rin naman patas na sabihin na walang halaga ang kakayahan nilang gumawa ng magandang prompt dahil lamang hindi sila mahusay humawak ng lapis.

Kaya bakit hindi na lang magkaroon ng magkahiwalay na kategorya? Maaaring magkaroon ng AI assisted poster at traditional poster. Sa una, puwedeng gamitin ang AI bilang bahagi ng proseso. Sa ikalawa, sariling kamay at art materials ang gagamitin. Hindi kailangang alisin ang isa para bigyang halaga ang isa. Mas malinaw lang kung alam ng lahat kung anong kasanayan ang sinusukat sa bawat kategorya.

Sa panahon na kayang gumawa ng larawan ang isang simpleng utos, mas nagiging mahalaga ang tanong kung ano pa ang gusto nating ipagawa sa tao. Para sa akin, hindi problema ang AI. Ang problema ay kapag nakalimutan nating gamitin ito bilang kasangkapan at hinayaan natin itong maging mismong gumagawa. Kung ang tema ay tungkol sa AI bilang tulay sa impormasyon, sana makita rin natin ito bilang tulay sa paglikha, hindi kapalit ng taong lumikha. Puwedeng maging reference ang AI. Puwedeng maging katuwang. Pero kung poster making ang tawag sa paligsahan, gusto ko pa ring makita ang kamay na gumagawa ng poster.

74

Related posts

Leave a Comment