NAKAKUHA ng matinding atensiyon si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. nang dumagundong ang hiyawan at palakpakan sa bawat lansangan na tahakin ng kanyang convoy sa ginanap na motorcade Miyerkules ng tanghali sa Pasay City.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Revilla hindi niya napigil ang sarili na maghayag ng taos-pusong pasasalamat sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya sa kabila ng dinanas niyang kapighatian matapos yurakan ang kanyang pagkatao sa mga maling akusasyon na kalaunan ay napatunayang walang katotohanan.
Tiniyak din ng senador na dadalhin niya sa mga isasagawang kampanya nila ng partidong Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, kasama ang kanyang mga ka-tiket, ang mga naipasa niyang batas, pati na ng mga matagumpay na programa at proyekto, na pinakikinabangan ng kanyang mga kababayan hanggang ngayon na kanyang napagtagumpayan sa loob ng 30-taon nya sa pagiging public servant.
Bago naging senador si Revilla, naglingkod muna siya bilang Bise Gobernador hanggang maging Gobernador ng lalawigan ng Cavite at natalaga rin bilang Chairman ng Video Regulatory Board (VRB) kung saan nalansag niya ang sindikato ng mga dayuhan na nagpapakalat ng kopya ng piniratang mga pelikulang lokal at dayuhan,
Sa kanyang pagtatrabaho bilang mambabatas, kasama siya ng ibang Senador sa pagpapasa ng may 300 panukalang batas mula sa 2,000 niyang inihaing panukala, kabilang dito ang lifetime validity ng birth certificate, at Expanded Centenarian Law kung saan kasama niya si Sen. Imee Marcos.
Tiniyak ni Revilla na ipaglalaban niya ang karapatan ng bawat mamamayan hanggang sa huling patak ng kanyang dugo dahil nakatatak na sa kanyang pagkatao ang pagiging mandirigma.(Dang Samson-Garcia)
