Kaugnayan sa pagkamatay ni Tantoco muling lumutang US TRIP NI FL LIZA PINADEDETALYE

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

UPANG malinis ang pangalan ni Unang Ginang Liza Marcos sa pagkamatay ng business tycoon na si Paolo Tantoco ay hiningan ni Senador Imee Marcos ang Palasyo ng Malacañang ng komprehensibong report patungkol sa usapin.

Kabilang sa inurita ng kapatid ng Pangulo ang mga lugar na pinuntahan ni First Lady Liza partikular noong panahon na mangyari ang umano’y pag-overdose sa droga ng negosyante na humantong sa kamatayan nito.

Sinasabing binawian ng buhay si Tantoco habang ito’y nasa Los Angeles, California noong Marso.

Base sa mga kumalat na impormasyon sa social media, nasawi ang negosyante dahil sa epekto ng cocaine at sinasabi ring bahagi siya ng entourage ni FL Liza na nasa Los Angeles ng panahon na iyon para mag-promote ng Manila International Film Festival (MMFF).

Ani Sen. Marcos, nakababahala ang mga lumalabas na impormasyon tungkol sa pagkamatay ni Tantoco at sinasabing may alam ang Unang Ginang dahil nandoon siya nang mangyari ang insidente.

Bunsod ng mabibigat na alegasyon, hinihikayat ni Sen. Marcos na maglabas ng komprehensibong report ang Palasyo tungkol sa nasawing negosyante kasama na ang pagkakadawit ni FL Liza at ng ibang matataas na opisyal, direkta man o hindi direktang pagkakasangkot.

Resbak ng Palasyo

Bilang tugon sa panawagan ni Sen. Marcos, bumuwelta ang Malacañang sa mga taong hanggang ngayon ay tila hindi matahimik at pilit na binubungkal ang isyu ng pagkasawi ni Tantoco at pagdawit pa kay FL Liza.

“Nakakalungkot dahil iyong mga pribadong tao na nagluluksa ay nadadamay sa pamumulitika. Ginagamit ng ibang obstructionist para masira ang First Lady, ang Pangulo at ang administrasyon na ito. Nakakahiya ang kanilang mga ginagawa,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro.

Sinabi pa ni Castro na hindi kasama sa official entourage ni Unang Ginang Liza si Tantoco.

“Nakakahiya dahil gumawa sila ng pekeng police report, naturingang journalist, mga dating Spokespersons, hindi marunong mag-imbestiga ng sarili. Hindi sila nagiging journalist, kung hindi nagiging propagandista ng kanilang mga sinusulong na interes,” ang patama ni Castro.

Para kay Castro, isang malaking kasinungalingan ang police report na nai-post sa Facebook.

“Kahit kayo po mismo ay maaaring mag-imbestiga sa nasabing lugar, sa Beverly Hills Police Department, para malaman ninyo na iyong inilagay sa Facebook na may guhit na color pink, kung hindi ako nagkakamali, ang parteng iyon ay idinagdag lamang. Nag-start ang mga salitang” and the cause of initially suspected to be drug overdose, up to the word…. iyan po ay idinagdag lamang.

Ito ay mga gawain upang masira ang Unang Ginang, ang Pangulo at ang administrasyon na ito. Para sa pang-personal na interes,” ang pahayag ni Castro.

“Tandaan po natin, ang Unang Ginang po, noong siya ay nasa Los Angeles ay mayroon po siyang security service na provide ng US at mayroon din po siyang kasamang PSG. Hindi rin po siya nag-stay sa nasabing hotel ni Mr. Tantoco. Iba po ang kanyang hotel,” aniya pa rin.

Sinabi pa ni Castro na mayroong activities ang Unang Ginang noong Marso 8.

Ipinakita ni Castro sa mga mamamahayag at maging sa publiko ang dinaluhan ni Unang Ginang Liza na konsyerto para sa mga Pilipino sa nasabing petsa.

Umapela rin si Castro sa publiko na huwag maniwala masyado sa drama, sa gimik at sa mga gawa-gawang kwento.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

73

Related posts

Leave a Comment