Hindi pwede ‘OPM’ sa responsible gaming E-GAMBLING OPERATORS PINAMO-MONITOR

HINDI dapat makuntento ang gobyerno at publiko sa pangako ng malalaking casino operator na magpapatupad ng ethical business practices at responsible gaming upang labanan ang negatibong epekto ng online gambling.

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian na naggiit ng pangangailangan para sa mas mahigpit na regulasyon laban sa mga online gambling operator.

Kasunod ito ng anunsyo ng mga casino tulad ng Solaire, Newport, at Okada na muli nilang pinagtibay ang kanilang commitment sa ethical business practices at responsible gaming.

Ipinanukala ni Gatchalian ang panukalang naglalayong gawing mandatory ang pagpapatupad ng responsible gaming program sa lahat ng online gambling operators.

Sa ilalim ng kanyang panukalang batas, mananagot ang sinomang operator na bigong magpatupad ng naturang programa.

Binigyang-diin din ng senador na lumalala ang epekto ng online gambling sa mga pamilyang Pilipino, kabilang ang pagkabaon sa utang, pagkasira ng kabuhayan, at paglala ng mental health issues.

Panawagan ni Gatchalian sa mga ahensya ng gobyerno, lalo na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na tiyaking mahigpit na nasusunod ang mga regulasyong naglalayong itaguyod ang responsableng pagsusugal.

‘MORAL EMERGENCY’

Samantala, dahil sa paglaganap ng online gambling, nagkakaroon na ng ‘moral emergency’ sa bansa na hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Ginawa ni 4Ps party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan ang pahayag dahil sa kabila ng kampanya laban sa online gambling ay patuloy itong namamayagpag at ‘salot’ na sa lipunan.

“Mobile gambling has quietly turned smartphones into digital betting machines. This is no longer just a tech issue—it’s a moral emergency. Our laws must evolve swiftly before this invisible threat tears more Filipino households apart,” ayon sa mambabatas.

Nangangamba ang mambabatas na hindi titigil ang online gambling dahil pinapayagan ng gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang operasyon nito lalo na’t gagawa pa lamang ang Kongreso ng batas na magpapatigil nito.

May ilang panukala na ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan ang ilan ay nais ipatigil ito nang tuluyan habang ang iba naman ay nais magtakda ng regulasyon kung sino lang ang pwedeng magsugal gamit ang makabagong teknolohiya.

Subalit ayon sa mambabatas, habang hinihintay ang batas, kailangang kumilos na ang mga ahensya ng gobyerno.

“Online gambling is being sold to Filipinos as casual fun. But behind the flashy graphics is a digital vice preying on the desperate—the poor, the unemployed, and the young are especially at risk,” ayon pa kay Libanan.

Dahil dito, kailangang magtulungan na aniya ang PAGCOR at Department of Information and Communications Technology (DICT) para makontrol ang nasabing sugal.

“No child should be raised in a household broken by gambling losses. No parent should gamble away their family’s future. We must act decisively—before it’s too late,” dagdag pa ni Libanan.

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

58

Related posts

Leave a Comment