NAGWAKAS na ang ‘drama serye’ sa Brooklyn Nets.
Sa pinakahuling ulat, ‘move forward’ sa papalapit na NBA season ang resulta ng paghaharap-harap nina star player Kevin Durant, general manager Sean Marks, Nets head coach Steve Nash, owner Joe Tsai at Rich Kleiman, Durant’s business partner.
Matatandaang nagkaroon ng offseason saga sa Nets nang humiling si Durant ng trade sa Brooklyn management. At kung hindi mangyayari ang trade, nais niyang sipain ng may-ari ng koponan sina Marks at Nash.
Bagay na hindi sinang-ayunan ni Tsai.
Bago ang paghaharap at masinsinang pag-uusap, ilang koponan ang nagtangkang mag-offer sa Nets ng mga manlalaro kapalit ni Durant, may nalalabi pang apat na taong kontrata sa team. Ngunit walang nakitang magandang offer ang Brooklyn.
Bunga ng pagkakasundo, natapos na rin ang masamang panaginip sa Nets ngayong offseason, na nagsimula sa magiging future ni Kyrie Irving sa team.
Gayunpaman, marami ang nag-aabang kung tunay ngang tapos na ang ‘drama’ ni Durant sa Nets, kung saan maraming mata ang titingin sa magiging relasyon niya kay coach Nash.
Ayon sa The Athletic, sinimulan na rin ng Nets ipaalam sa ibang koponan ang planong panatilihin si Irving sa paparating na season.
Umaasa na lamang ang koponan na maging ‘fully-healthy si Ben Simmons, pumalit kay James Harden mula sa trade noong nakaraang season, para makatulong kina Durant at Irving.
BEVERLY NAGPATUTSADA
MATAPOS pumutok ang balitang nagkaayos na si Kevin Durant at ang Brooklyn Nets, uminit naman ang Twitter sanhi ng sagutan ng player sa kapwa nito player.
Nagpatutsada si Utah Jazz guard Patrick Beverley kay Durant sa umano’y naging epekto ng trade issue sa livelihood ng maraming manlalaro sa liga.
Tweet ni Beverley: “Haven’t got a job because of this KD [expletive]…not good business…hurting the future for other NBA players.”
Hindi ito pinalampas ni Durant at sinagot ang tweet ni Beverley, na nagpaliwanag naman sa kanyang naging patama kay Durant.
Hindi lang si Beverley ang pinatulan ni Durant, maging ang tweet ni Texas-based on-air reporter Jordan Hicks ay pa-insultong sinagot nito ng: “Who are you?”
MAGIC JOHNSON MAY NILINAW
TINAWAG ni former Los Angeles Lakers star Magic Johnson at The Associated Press fact checkers na ‘fake news’ ang umano’y pagdo-donate ng dugo ng dating player.
Si Johnson ay na-diagnose na HIV positive noong 1991.
Isang larawan ang kumalat sa social media na makikita si Johnson noong 2012 na kinuhanan ng dugo, na palagian namang ginagawa sa kanya.
Ngunit kinapsyonan ang lara- wan na animo’y aktibo si Johnson sa pagdodonate ng dugo sa Red Cross upang makatulong sa mga nangangailangan para labanan ang COVID-19.
Pero lumabas na hindi totoo ang kumalat sa socmed. Ayon sa The Associated Press, ang naturang larawan ay buhat sa 2012 documentary mula sa PBS Frontline hinggil sa AIDS sa USA.
Ang HIV o human immunodeficiency virus ay nasasalin sa pamamagitan ng dugo, kaya’t ibinabawal ng Red Cross ang sinumang positibo sa HIV test na mag-donate ng dugo. Lahat ng blood donations sa organisasyon ay sinusuri sa virus at antibodies.
Sa kanyang twitter account nitong Martes (Miyerkoles sa Manila), pinasinungalingan ni Johnson ang pagdodonate niya ng dugo.
Si Johnson, Hall of Famer at star player ng Lakers mula 1979 hanggang 1991 at 1995-96 season, ay inilahad na nagpositibo siya sa HIV noong 1991.
Hindi siya na-develop sa full blown AIDS, pinakahuling stage ng HIV infection.
At sapul nang magpositibo, naging advocate na ang 63-anyos na si Johnson ng HIV awareness at prevention. (VT ROMANO)
