PETER OUT, LORD IN SA SPEAKERSHIP NG KAMARA

NAHILOT din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang mga kongresista na parehas kakampi ng administrasyon.

Minabuti ng Pangulo na i­patawag ang dalawa na parang mga anak dahil sa hindi nila pagkakaintindihan sa hatian ng tinapay este hatian pala ng panunungkulan bilang pinuno ng Kamara de Representantes.

Una nang nag-usap sina Cong. Peter Alan Cayetano ng Taguig at Cong. Lord Allan Velasco ng Marinduque at sa harap pa mismo ng pambansang Tatay (PRRD) patungkol sa pagiging pinuno ng Mababang ­Kapulungan ng Kongreso (Speaker).

Nagkasundo ang dalawa na unang mauupo si Cong. Cayetano at susunod naman si Cong. Velasco.

Nitong pagpasok ng buwan ng Oktubre 2020 kung kelan nalalapit na ang palitan ng speakership sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nagpatutsadahan ang magkabilang kampo.

Nariyan nang gusto na raw mag-resign ni Cayetano bilang speaker pero ayaw raw ng kanyang mga kaalyado.

Sa madali’t sabi parang gusto ng mga kakampi ni Cayetano na ituloy na lang ang kanyang pamumuno sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hanggang sa matapos ang 18th Congress.

Natural hindi papayag si Cong. Velasco na babalewalain ang kanilang napagkasunduan sa harapan pa mismo ni Pangulong Duterte.

Sa usaping ito ay maraming netizens ang pumuna kay Cong. Cayetano kung bakit binabalewala raw nito ang kanilang napagkasunduan ni Cong. Velasco na term-sharing. Parang hindi raw lalaking kausap itong si ­Cayetano, walang palabra de honor ika nga nila.

Kaya naman yung 186 na mga kongresista ay gumawa na ng hakbang at nagtipon sila sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City na malapit lang din sa Batasang Pambansa at dun nila iniluklok si Lord (Velasco) sa kanyang trono.

Siyempre ang pambansang Tatay (PRRD) ay nakita nyang malalagay sa alanganin ang ­usapin ng gastusin ng bahay (bansa) sa susunod na taon (2021) dahil sa bangayan ng dalawang anak niya (Cayetano at Velasco) kaya minabuti niyang ipatawag ang dalawa para kausapin na magkasundo sila para sa ikabubuti ng lahat ng kanyang mga anak (Pinoy).

Ayon naayos naman ang sigalot ng dalawa, kaya si Tatay Digong ay nabunutan ng tinik sa kanyang lalamunan dahil maaayos na ang budget ng bansa para sa susunod na taon (P4.5 Trillion).

Kung minsan ay nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan ang mga opisyal ng gobyerno lalo na ang ilang elected officials pero sa bandang huli ay naayos din ang sigalot para sa kapakanan ng bayan.

Sa mga elected officials at nasa pamahalaan kayo ay mga public servant, magtalo man kayo sa inyong mga prinsipyo, ‘wag nyo namang isasantabi ang kapakanan ng taumbayan.

Tulad ng inisip ni Pangulong Duterte na kung hindi maaayos ang sigalot sa pagitan nina Cong. Cayetano at Cong. Velasco ay maaapektuhan ang mga ordinaryong mamamayan.

Sa nasabing budget kasi na aaprubahan ng Kongreso ay kasama dito ang gastusin ng Covid-19 tulad ng pambili ng bakuna at maging ang gastusin sa pag-recover ng bansa.

Ika nga ng Palasyo, kahit na kayo ay mag-aaway-away tungkol sa inyong mga posisyon na pinag-aagawan ‘wag lang maapektuhan ang inyong mga trabaho dahil kapakanan ng taumbayan ang nakasalalay dito.

Sa pagkakataon ito ay lalong napatunayan ng mga ordinaryong mamamayan na dapat lang tawagin na tunay na Tatay ng Pilipinas si Pangulong Duterte.

Dahil sa kanya ay naayos ang hindi pagkakaunawaan ng kanyang dalawang anak sa Kongreso na naiwasan ang pagkawatak-watak ngayong panahon ng pandemya.

Anumang hindi pagkakaunawaan ay naayos din kapag pinag-uusapan at inuupuan.

Tuloy ang trabaho, tuloy ang laban natin sa Covid-19, ingat at magdasal po tayo na matapos na ang pandemyang ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

91

Related posts

Leave a Comment