KOOPERASYON MAHALAGA SA PAGBILI NG LIGTAS NA BAKUNA

NANAWAGAN si Senator Christopher ‘Bong’ Go ng kooperasyon at kolaborasyon sa lahat para maresolba ang mga isyu sa pagbili ng sapat, ligtas at mabisang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa idinaos na hearing ng Senate Committee of the Whole nitong Biyernes, iginiit ni Go sa kaniyang manipestasyon na lahat tayo ay bahagi ng solusyon sa public health issue na ito kaya’t dapat lahat tayo ay may responsibilidad kung nais makarekober mula sa pandemyang ito.

Binalaan din niya ang mga nagsasamantala sa kapwa ngayong panahon ng pandemya na maparurusahan at umapela na dapat silang maging bahagi ng solusyon at hindi makadagdag pa sa problema.

“Wala pong pinipili ang pandemyang ito. Kakaikot ko po, napapansin ko po sa publiko — dapat kunin natin ang kumpiyansa ng taumbayan. Lahat tayo, apektado nito, lalaki man o babae, bata man o matanda, mayaman man o mahirap, anomang relihiyon, anoman ang inyong pulitika, saan ka man sa Pilipinas, talagang tinamaan po tayo sa pandemyang ito,” pahayag pa ng senador.

Sinabi rin ni Go na bukas siya na magsulong ng iba pang mga pamamaraan upang maparusahan ang mga indibidwal na nagpapakalat ng maling impormasyon at nagsasamantala sa vulnerabilities ng mga Pinoy, sa gitna ng nagaganap na COVID-19 pandemic.

Nanindigan pa si Go na buhay ang nakasalalay rito at ang mga taong nagsasamantala sa kapwa Pinoy at nagpapakalat ng maling impormasyon ay dapat maparusahan sa ilalim ng batas, kasabay nang pagsusulong ng muling pagpapairal ng parusang kamatayan sa bansa.

Iginiit ng senador na kung hindi tayo tatalima sa health measures upang maprotektahan ang isa’t isa, patuloy na lilikha ng gulo at kontrobersiya, at hindi makikipag-komunikasyon sa lahat ng mga Pinoy, ay tiyak aniyang hindi matatapos ang pandemyang ito.

Tinukoy rin ni Go na dapat solusyunan ang kawalan ng tiwala ng publiko sa bakuna laban sa COVID-19 dahil mahalaga aniya ito patungo sa landas ng pagrekober.

“Bukod sa COVID-19, mukhang nakakabahala dito ang lantarang pagkawala ng tiwala sa solusyon — which is to provide sufficient, safe, and effective vaccines,” aniya. “Napakahalaga ng papel ng bakuna sa ating recovery mula sa kasalukuyang pandemya. Ito po ang magiging susi upang makabalik ang pamumuhay natin sa normal. Kaya naman napakalaking bagay ng vaccine roadmap at tamang implementasyon nito,” aniya. (ESTONG REYES)

113

Related posts

Leave a Comment