IGINIIT ni Senador Win Gatchalian na kailangang ipag-uutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pag-refund sa ibinayad ng mga consumer sa Visayan Electric Company (VECO) dahil mataas ang naging singil nila sa kuryente.
Ayon sa senador, kung mapatutunayan na may mga paglabag na nagawa ang nasabing kumpanya ay dapat itong parusahan ng ERC.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan matapos maglabas ng kautusan noong ika-4 ng Enero 2021 ang ERC sa VECO upang ipaliwanag ang mataas nitong singil ng kuryente mula Enero hanggang Oktubre ng nakaraang taon.
Sa nasabing 10 buwan, bumili ng suplay ng kuryente ang VECO sa Cebu Private Power Corp. (CPPC) sa halagang P35.3853 kada kilowatt hour (kWh) at pumalo ang generation rate ng hanggang Php1,470.90 kada kWh noong Setyembre 2020.
“Kung mapapatunayan na hindi makatwiran ang singil ng VECO, dapat ibalik nila ang binayad ng mga kunsyumer. Mandato ng ERC na protektahan ang interes ng publiko lalo na kung may pang-aabuso mang nagawa,” sabi ni Gatchalian.
Batay sa Section 23 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), sinabi ni Gatchalian na inaatasan ang mga distribution utilities (DUs), katulad ng VECO, na magsuplay ng kuryente sa presyong abot-kaya ng merkado nito.
Ang CPPC ay isa lamang sa apat na independent power producers (IPP) na nagsu-suplay ng pangangailangang kuryente ng VECO.
Ang tatlong iba pa ay ang Green Core Geothermal Inc. (GCGI), Cebu Energy Development Corporation (CEDC) at Therma Visayas Inc. (TVI) na mas mababa nang di hamak ang singil kung ikukumpara sa CPPC.
Ang generation charge ng kuryenteng binili mula Enero hanggang Oktubre 2020 ng VECO sa GCGI ay nasa average na Php5.5584 kada kWh, samantalang nasa Php4.8922 kada kWh ang singil ng CEDC at Php5.6821 kada kWh naman ang singil ng TVI.
Sa kanyang direktiba, pinagpapaliwanag ni ERC Chairperson at Executive Officer Agnes Devanadera ang VECO sa usaping ito pati na ang posibleng paglabag ng naturang utility company sa Section 45 (b) ng EPIRA kung saan nakapaloob na walang kalahok sa industriya ang maaaring makisali sa anomang anti-competitive behavior tulad ng cross-subsidization, pagmamanipula ng presyo sa merkado, at iba pang unfair trade practices.
Ang kautusan ng ERC ay bunsod ng reklamong inihain ng Cebu Chamber of Commerce Inc. (CCCI) noong Disyembre sa Regional Development Council in Central Visayas (RDC-7) kasunod ng sobrang taas na singil ng kuryente na ayon sa kanila ay nagiging malaking balakid sa paglago ng negosyo sa kanilang rehiyon. (NOEL ABUEL)
