LACHICA IDINIIN NI ACOSTA SA OVP CONFI FUND ACTIVITIES

IDINEKLARA ni Presiding Officer Senator Chiz Escudero bilang hostile witness si Gina Acosta, dating special disbursing officer at kasalukuyang vice presidential staff officer VI ng Office of the Vice President (OVP) sa pagharap nito sa impeachment court kahapon. (DANNY BACOLOD)

IDINEKLARANG “hostile witness” ng Senate Impeachment Court si Gina Acosta, dating special disbursing officer at kasalukuyang vice presidential staff officer VI ng Office of the Vice President (OVP), matapos nitong tumestigo sa papel ni Col. Raymund Dante P. Lachica sa pagpapatupad ng mga confidential activities na pinondohan ng tanggapan noong 2023.

Ang deklarasyon ay ginawa ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero matapos usisain ang working relationship ni Acosta kay Vice President Sara Duterte.

Kinumpirma ni Acosta na si Duterte ang kanyang amo at maaari siyang mawalan ng trabaho sa OVP sakaling ma-impeach o matanggal sa puwesto ang Pangalawang Pangulo.

Sa ilalim ng Rule 132, Section 13, pinayagan si private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan na gumamit ng leading questions sa pagtatanong kay Acosta, bagama’t hindi pinahihintulutan ang mga misleading question.

Hiniling ng prosekusyon ang deklarasyon matapos iharap ang counter-affidavit ni Acosta sa Office of the Ombudsman, kung saan iginiit nitong sumunod si Duterte sa mga patakaran sa paggamit ng confidential funds at walang pananagutan sa mga ito.

Sa ika-16 na araw ng impeachment trial, tinanong ni Ligutan si Acosta kung sino ang aktuwal na nagpatupad ng confidential activities na pinondohan ng OVP noong 2023.

Itinuro ni Acosta si Lachica, security officer ni Duterte at noon ay commanding officer ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).

Nang tanungin kung si Lachica ang nagpatupad ng lahat ng confidential activities noong 2023, sumagot si Acosta ng, “Tama po, Your Honor.”

Ayon kay Acosta, si Lachica ang inatasan dahil mayroon itong kadalubhasaan sa confidential operations at access sa mga usaping may kaugnayan sa national security.

Aniya, wala siyang personal na kaalaman o kakayahan upang magsagawa ng mga confidential activity o operation sa aktuwal na lugar.

Gayunman, inamin ni Acosta na hindi nakasaad ang pangalan ni Lachica sa mga dokumentong isinumite ng OVP kaugnay ng confidential funds, kabilang ang physical and financial plans, accomplishment reports, liquidation reports at certifications.

Nang tanungin ni Ligutan kung nakasaad sa mga dokumentong ito ang papel ni Lachica, sumagot si Acosta ng, “Wala.”

Sa kabila nito, kinumpirma niya ang nauna niyang pahayag sa House Committee on Good Government and Public Accountability na si Lachica ang nagbigay ng impormasyon, input, gabay at detalye hinggil sa mga object of expenditure para sa mga proyektong pinondohan ng confidential funds.

Sinabi rin ni Acosta na ang mga detalye ng mga aktibidad ay nasa attachments na isinumite sa Commission on Audit (COA) para sa liquidation at nagmula kay Lachica.

Nang tanungin ni Escudero kung tinanggap niya ang lahat ng dokumentong isinumite ni Lachica para sa liquidation, kabilang ang mga aktibidad gaya ng tree planting na isinagawa bilang bahagi ng good governance program, sumagot si Acosta ng sang-ayon.

Idinagdag niya na ang mga naturang dokumento ay iniharap kay Vice President Duterte para sa kanyang pag-apruba.

Nauna rito, inamin ni Acosta na ang Physical and Financial Plan (PFP) na inaprubahan ni Duterte ay “generic” at walang detalyadong listahan ng mga aktibidad.

Ayon kay Acosta, hindi tahasang hinihingi ng Joint Circular 2015-01 na magkaroon ng itemized o detalyadong listahan ng mga programa sa PFP.

Gayunman, iginiit ni Ligutan na may mga probisyon sa Joint Circular na nag-aatas na gamitin ang cash advances para sa mga tiyak na legal na layunin at iulat ang partikular na detalye ng mga pinagkagastusan.

Samantala, sinabi ni Acosta na hindi niya tiyak kung empleyado ng OVP si Lachica. Ang tanging alam lamang umano niya ay may office order itong nagsisilbing security officer ng tanggapan, ngunit wala siyang tiyak na kaalaman kung tumatanggap ito ng suweldo mula sa OVP.

Nakatanggap ang OVP ng tatlong tranche na tig-P125 milyon na confidential funds noong 2023, matapos makatanggap ng unang P125 milyon noong Disyembre 2022. Umabot sa P500 milyon ang kabuuang confidential funds na natanggap ng OVP mula 2022 hanggang 2023, bahagi ng P612.5 milyong confidential funds na sentro ng Article I ng impeachment complaint laban kay Duterte.

Kasama rin sa naturang halaga ang P112.5 milyon na ipinagkaloob sa Department of Education noong kalihim pa ng ahensya si Duterte.

(TINA MENDOZA)

63

Related posts

Leave a Comment