HINDI nakatiis si Senador Erwin Tulfo at agad na sinita ang pagpapakita ng testigong si Gina Acosta, dating special disbursement officer ni Vice President Sara Duterte na tila nahihirapan siyang magsalita ng purong Tagalog.
Sa ika-16 na araw ng impeachment trial, hiniling ni Tulfo kay Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero na obligahin si Acosta na sumagot sa Tagalog o English.
Iginiit ni Tulfo na sa imbestigasyon noon sa Kamara, batay sa transcript na nakuha nila, ay kayang-kayang magsalita ng Tagalog ni Acosta.
Una rito, hiniling ni Acosta na payagan siyang makapagsalita ng Bisaya, Tagalog at English sa pagsagot sa mga tanong.
May punto pa sa trial na paulit-ulit na hiniling ni Acosta ang tanong ni Atty. Amando Virgil Ligutan dahil hindi niya nauunawaaan.
Kaya tumayo rin si Senator Judge Juan Miguel Migz Zubiri at hiniling na iinterpret sa Bisaya ang mga tanong.
Sa pag-alma ni Tulfo, iginiit na tigilan ni Acosta ang panloloko dahil nakakaunawa at nakapagsasalita siya ng Tagalog.
“Mr. President, tama na po itong panloloko sa atin,” pahayag ni Tulfo.
“Please, Mr. President, compel this witness to talk in Tagalog, kahit po yung mga Bisaya po nakakaintindi ng Tagalog, nakakasalita ng Tagalog, ano tayo sa ibang bansa? Ano tayo mga Hapon, mga Chinese? I know, Ms. Witness, you can understand. You can understand Tagalog. You can speak Tagalog,” diin ni Tulfo.
(DANG SAMSON-GARCIA)
58 