(NI KEVIN COLLANTES)
TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na bukod sa mahaharap sa patung-patong na kaso ang isang lalaking makikita sa isang nag-viral na video na nagda-drive ng sasakyan habang nasa passenger seat, ay matatanggalan pa ito ng lisensya.
Ayon sa DOTr nitong Miyerkoles, mga kasong reckless driving, illegal modification (removing the steering wheel), not wearing seatbelt, at improper person to operate a motor vehicle, ang isasampang kaso ng Land Transportation Office (LTO) laban kay Miko Lopez.
Bukod dito, babawiin rin umano ng LTO ang driver’s license ni Lopez at hindi na papayagan pang makapag-aplay muli ng lisensya sa hinaharap.
Sinabi ng ahensya na ipinatawag na ng LTO si Lopez matapos na matukoy ang pangalan at address nito.
Nagbabala naman ang DOTr na sakaling hindi sumipot si Lopez sa tanggapan ng LTO ay reresolbahin nila ang naturang isyu, nang hindi nakukuha ang panig nito.
Maaari rin anilang desisyunan ng LTO ang isyu batay lamang sa mga ebidensiyang hawak nila.
Kaugnay nito, binalaan rin naman ng DOTr ang publiko na hindi nila kukunsintihin ang mga motoristang masasangkot sa reckless driving at ipagyayabang pa ito sa social media.
Sa halip, ayon sa DOTr, ay sila pa mismo ang magsusulong ng kaukulang aksiyon laban sa mga ito.
Nauna rito, ipinaskil ni Lopez sa social media ang isang video kung saan makikita siya na nagda-drive habang nasa passenger seat.
Tinanggal pa ng lalaki ang manibela ng tila automatic na sasakyan.
Hindi umano kakikitaan ng pagsisisi ang lalaki sa ginawa at sa halip ay ipinagmalaki pa ito.
“The DOTr sternly warns the public that it will not tolerate and will, in fact, pursue necessary actions, against motorists engaged in reckless driving and bragging about it on social media,” babala naman ng DOTr.
203