NAGPAHAYAG ng pag-aalinlangan ang Lawyers for Commuters Protection and Safety (LCPS) kung mapupunta nang buo sa mga benepisyaryo ang pondong mula sa natira sa flood control projects.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCPS, mahigit P250 bilyon mula sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay ni-realign sa ibang budget items para sa 2026.
Ito’y matapos ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na “walang bagong pondo para sa flood control projects next year.”
Ani Inton, resulta nito ang AICS budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay tumaas mula P26.9B tungo sa P59.5B, habang ang TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay lumobo rin mula P12.1B tungo sa P26.9B.
Pero giit ni Inton, “teka muna—bagama’t walang bagong pondo, sinabi rin ni BBM na ang P300B flood control budget para sa 2025 ay carried over sa 2026”.
“Hindi pa pala nauubos ang P300B sa flood control projects. Kaya parang sinasabi ni BBM, gamitin muna ‘yun bago humingi ng bago,” ayon pa sa abogado.
Ngunit pinunto ng LCPS na malaking tanong pa rin ang safeguards: “Anong kasiguraduhan na ‘yung natitirang P300B at ‘yung nilipat na pondo sa AICS at TUPAD ay hindi mauuwi sa bulsa ng iilan? Anong safeguards na hindi kayang lusutan ng mandarambong sa gobyerno?” matalas na tanong ni Inton.
Dagdag pa niya, hangga’t walang nakukulong sa mga sangkot sa katiwalian at patuloy na tinatakpan, malabong may saysay ang sinasabing safeguards ng administrasyon.
(PAOLO SANTOS)
245 