IGINIIT ni Cebu Rep. Duke Frasco na imbestigahan at posibleng idiskwalipika ang Ako Bicol party-list dahil ito umano ang ginamit na behikulo ni dating Rep. Zaldy Co upang isagawa ang mga krimeng ibinibintang laban sa kanya.
“To protect the integrity of our institutions, Ako Bicol Party-list must face investigation, sanction, and, if warranted, disqualification,” pahayag ni Frasco.
Ayon sa kongresista, kahit nagbitiw si Co ay hindi nito nabubura ang akusasyon ng paglalagay ng daan-daang bilyong pisong pondo sa 2025 GAA at umano’y pagtanggap ng komisyon mula sa mga flood control projects, kabilang ang sa Bulacan. Giit niya, hindi rin dapat ilibre sa pananagutan ang Ako Bicol dahil ito ang naging daan ni Co para makapasok sa Kamara.
Binigyang-diin ni Frasco ang Section 141(h) ng House Rules na nagbabawal sa mga mambabatas na makinabang sa batas o resolusyon na kanilang ipinasa. Subalit, bilang shareholder umano ng Sunwest Construction na nakakuha ng mga proyektong pinondohan mula sa kanyang ipinasok na budget, malinaw na nilabag ni Co ang patakarang ito.
Bagama’t nagbitiw si Co, papalitan lamang siya ng panibagong nominee ng Ako Bicol, kaya’t ang partido ay mananatili sa poder. “Resignation spared Co from sanction by the House, but it also exposed the weakness of our system. While Co walks away, his conduit, Ako Bicol Party-list, keeps its seat, benefits, and power as if nothing happened. This is not accountability. This is impunity,” dagdag ni Frasco.
Nagbabala pa siya na ang pagturing lamang kay Co bilang responsable habang naliligtas ang kanyang partido ay lilikha ng “dangerous precedent” kung saan maaaring mag-resign na lang ang isang nominee para hindi madamay ang kanilang party-list sa oras na masangkot sa eskandalo.
(BERNARD TAGUINOD)
161 