LIGTAS, MAGINHAWANG BIYAHE SA HOLY WEEK PINATITIYAK

NAGBIGAY ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan at kaginhawahan ng lahat ng mga pasahero na maglalakbay sa kanilang sariling bayan o magbabakasyon ngayong Semana Santa.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na hindi lamang sa Department of Transportation (DOTr) nagbigay ng direktiba ang Pangulo kundi maging sa mga attached agency.

“Ang direktiba po sa DOTr na dapat pong paigtingin ang kanilang pagmo-monitor sa nalalapit na pag-uwi ng mga kababayan natin sa kani-kanilang mga probinsiya. At magkakaroon din po ng strict inspection sa mga terminal, ports, airports so that there will be no delays ‘no to the operations prior to the Holy Week kasi po mas marami pong maaaring magkaroon ng delays kapag maraming nagbibiyahe. So, iyan po ay pinamo-monitor ng ating Pangulo sa ating mga concerned agencies,” ang sinabi ni Castro.

Sa kabilang dako, nagbigay rin ng direktiba si Pangulong Marcos sa mga law enforcement agency dahil may mga pagkakataon na nagkakaroon at hindi maiiwasan na mayroong mangyayaring krimen kaya hindi dapat matulog ang mga ito.

“Iyan po ang direktiba ng Pangulo, hindi dapat matulog kahit Holy Week, kahit bakasyon ang karamihan; hindi dapat nagbabakasyon ang gobyerno. Patuloy pa rin po ang pagsasagawa ng mga monitoring at ang pagtulong sa ating kapwa Pilipino,” ang pahayag ni Castro.

Asahan na magbibigay aniya ng kanyang mensahe si Pangulong Marcos sa Easter Sunday.

(CHRISTIAN DALE)

42

Related posts

Leave a Comment