AGAWAN NG LUPA SA BORONGAN CITY TALAMAK?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMING pamilya ang nabibiktima ng pang-aagaw ng lupain sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.

Tulad halimbawa sa Borongan City, Eastern Samar, hindi napakikibangan hanggang ngayon ng mga tunay na apo ng matagal nang namayapa si Esteban Amores, ang kanyang pag-aaring malalawak na mga lupain sa nasabing siyudad.

Karamihan pa man din sa mga ito ay nasa commercial area ng siyudad partikular ang lupain na mahigit kumulang sa isang ektarya, sa tabi ng St. Joseph College sa Brgy. Baybay, Borongan City.

Kabilang din sa mga ito ang lupain na kasalukuyan kinalalagyan ng terminal ng bus na biyaheng Maynila, malapit sa sabungan ng Borongan City, at marami pang iba.

Batay sa mga dokumento na ating nakalap, mahigit sa 50 parsela mula sa iba’t ibang parte ng Borongan City at kalapit na mga barangay nito, matatagpuan ang malalawak na mga lupain na pag-aari ni Esteban Amores.

Ang matandang Amores ay nagkaroon ng mga anak, isa sa mga anak nito ay nagkaroon ng mga anak, na apo na sa tuhod ni Esteban Amores.

Ang kanyang apo sa tuhod ay nagkaroon ng asawa mula sa lalawigan ng Pampanga.

Unang umanong namatay ang apo sa tuhod na babae ni Esteban Amores na tagapagmana ng naturang lupain kaysa kanyang asawa mula sa Pampanga.

Nang mamatay ang apo sa tuhod ni Esteban Amores, ang asawa nitong lalaki na taga-Pampanga, ay muling nag-asawa ng pangalawa sa Borongan.

Sa pangalawang asawa ng taga-Pampanga na lalaki ay nagkaanak sila ng isang babae na dating nagtrabaho sa korte ng Borongan.

Kalaunan ay siya na ang humawak ng mga lupain na pag-aari ng matandang Amores, ngunit hindi naman siya kadugo o tagapagmana ng naturang malalawak na mga lupain.

Hanggang unti-unti niyang nailipat sa kanyang pangalan ang nabanggit na malalawak na mga lupain na pag-aari ni Amores.

Marahil ginamit nito ang impluwensiya habang nagtatrabaho siya sa korte kaya nagawa niyang mailipat sa kanyang pangalan ang malalawak na mga lupain ni Amores, bagama’t hindi niya naman kadugo dahil ang kanyang pinagmulang ina ay hindi naman apo nito.

Matagal na ring namatay ang may hawak ng lupain ni Esteban Amores subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ng mga tunay na tagapagmana nito.

Sa pinakahuling natanggap nating impormasyon, ang nag-iisang anak ng namayapang humahawak ng malalawak na lupain ni Esteban Amores, ay isa na ngayon sa may pinakamataas na katungkulan sa isang bangko sa bansa.

Batay sa hawak nating mga dokumento, malinaw na ang tunay na nagmamay-ari ng malalawak na lupain sa Borongan City ay mga apo ni Esteban Amores at may ebidensiya kung paano pineke ang mga pirma para mailipat sa babae na dating nagtatrabaho na korte, na matagal na ring namayapa.

Sa panayam ng PUNA sa ilan sa mga apo ni Esteban Amores, balewala na sana sa kanila na deka-dekadang panahon na hindi nila napakinabangan ang nasabing mga lupain subalit sa panahon ngayon dahil nakapag-aral na at mataas na ang posisyon sa isang bangko ang nag-iisang anak ng namayapang humawak ng kanilang mga lupain, ay ibigay na sana sa kanila na tunay na may-ari.

Ayaw rin nila na pagdating ng panahon ay makaladkad pa ang pangalan ng isang mataas na opisyal ng bangko na may hawak ng kanilang mga lupain ngayon.

Matagal umanong hindi naasikaso ng tunay na mga apo ni Esteban Amores ang nabanggit na mga lupain dahil karamihan sa kanila ay nakatira sa Metro Manila.

Makonsensya kaya ang opisyal na ito ng bangko at ibalik niya na sa tunay na nagmamay-ari ang mga lupain?

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

217

Related posts

Leave a Comment